BARON Geisler strikes again! Hindi siya naghamon ng suntukan at nanggulo sa isang bar. Hindi rin siya nambastos ng isang babae. Bago ito, inihian niya ang kanyang co-actor na si Ping Medina sa shooting ng isang eksena ng kanilang ginagawang indie film. Mabilis na inilabas ni Ping sa social media ang mga nangyari. Mabilis din naman ang iba pang mga taga-showbusiness kabilang na si FDCP Chairman Liza Dino sa pagkundena sa ginawa ni Baron. Tinawag pa niya si Baron na, “masahol pa sa hayop”.
Mabilis din naman ang aksiyon ng director na si Arlyn dela Cruz, tinanggal niya si Baron sa pelikula at pinatay na lang ang character na kanyang ginagampanan. Pero mabilis na sumagot si Baron. Sinasabi naman niya ang talagang may kasalanan ay ang kanilang director. Sinabi na raw kasi niya na may plano siyang gawin sa eksena, hindi siya pinakinggan at ang sabi sa kanya, “gawin mo na lang sa eksena”. Kaya naisip niya na ok lang na ihian si Ping. Hindi ba nakatatawang katuwiran?
Pero sino nga ba ang may kasalanan talaga riyan? Kung kami ang tatanungin, kasalanan nila iyan eh. Ngayon lang ba gumawa ng wala sa ayos si Baron? Alam naman nila kung ano na ang mga kinasangkutan niyan in the past. Idinemanda na iyan ng anak ni William Martinez. Idinemanda na rin iyan ni Yasmien Kurdi. Nasapak na iyan ng kung ilang ulit. Nauulit pa rin. Kaya kung magkaroon man ng gulo sa set, kasalanan na nila iyan kinuha nila si Baron.
Dapat kung ganyan ang kanyang attitude, huwag na siyang bigyan ng pagkakataong makagawa pa ng gulo. The best way, huwag na ninyong kunin. Kung kukunin naman ninyo, humanda na kayo sa gulo dahil natural na sa kanya iyong mga ganoong kalokohan.
Hindi matututo si Baron kung puro tayo pang-unawa. Kailangan sana umayos muna siya bago ninyo siya pabalikin sa showbusiness. Pero habang may mga kumukuha pa sa kanya, mauulit at mauulit iyan. Naihian na niya si Ping Medina, ano naman kaya ang kasunod?
HATAWAN – Ed de Leon