HINDI nga yata matanggap ng mga gumagawa ng pelikulang indie ang mga kritisismo ngayon laban sa Metro Manila Film Festival na puro indie films ang isinali at ipalalabas ngayong Pasko. Talagang iginigiit nilang sila ang magaling at hindi nila pinakikinggan ang sentiments ng nakararami sa industriya, Hindi na tayo dapat makipagtalo sa kanila. Hintayin na lang natin ang resulta kung panonoorin nga ba ng publiko ang kanilang mga pelikula.
Naniniwala kami na ang gumagawa ng desisyon sa panonood ng sine ay ang publiko. Hindi ninyo sila mapipilit na panoorin ang mga pelikulang hindi nila gusto sa pag-aalis ng mga pelikulang hinahanap nila. Ang akala yata nila kasi, kung wala ang malalaking pelikula mapipilitan ang mga taong panoorin sila. Hindi ganoon iyon eh. Baka nga ang mangyari, mapilitan pang magsara na lang ang mga sinehan.
Maliwanag na ngayon, hindi kagaya ng dati na simultaneous hanggang sa probinsiya ang mga pelikula ng festival. In fact ang mga pelikulang hindi nila isinali, kagaya niyong Mano Po 7 Chinoy, ang siyang nakakuha ng Christmas playdate sa lahat halos ng key cities. At dahil mauuna sila sa mga sinehan kaysa festival, baka nga mahakot na nila ang bonus na makukuha ng mga manggagawa bago pa man mailabas ang mga pelikula sa festival.
Natawa kami sa comment ng isang female starlet na nagsabing, “dati ang kinakain natin puro hotdogs, ngayon fried chicken na”. Iyon ang palagay niya samantalang mas marami ang nagsasabing “hindi fried chicken iyan, kangkong lang iyan.”
Pero ang hindi namin nagustuhan, dahil siguro sa pagkapikon ng isa sa kanila dahil sa sinasabi ng marami na hindi kikita ang kanilang pelikula, pati si Mother Lily Monteverde na masasabi nating isang haligi ng industriya ng pelikula, binastos pa sa kanyang social media post.
Isipin na lang niya, ano ang nagawa ni Mother Lily para sa industriya ng pelikulang Filipino, at ano na ba ang kanyang nagawa? Para lang siyang tinga sa mga accomplishment ni Mother, sa totoo lang.
HATAWAN – Ed de Leon