HINDI namin pinapansin ang mga nagpapadala sa amin ng e-mail ng mga video ng show nina James Reid at Nadine Lustre, at nagtatanong sa amin kung ang ganoong mga eksena ay dapat na pinapayagang ilabas sa national television, lalo na’t kung iisipin na ang dalawa ay mga teenage idols. Idolo ng mga kabataan.
Doon kasi sa eksena, na base sa nakita naming video dahil hindi namin napapanood iyang mga drama na iyan on air, niyaya ni Basti si Iris na mag-sex. Noong una bantulot si Iris, pero nakumbinsi rin siya ni Basti. Nakita na naghubad sila, inalis pa ni Basti ang takip sa dibdib ni Iris, at “nag-make love” sa loob ng isang kotse.
Walang nakitang masama talaga. Walang lumabas na private parts. Pero ang nagulat sa eksenang iyon. ”Iba na ang takbo ng panahon ngayon,” ang katuwiran ng mga modernista. Tama naman iyan, doon nga sa likod ng Cultural Center at saka riyan may UP na medyo madilim, aba marami talagang gumagawa ng milagro sa loob ng kotse.
Pero ang tanong nga nila, dapat pang ang mga ganoong bagay ay ipinakikita sa telebisyon kahit pa ang ratings ay SPG? Makatutulong kaya iyon sa career nina James at Nadine? Hindi ba iyan ay sobra nang “freedom of expression” na wala na yatang limit ngayon dahil napakaluwag ng MTRCB at kikilos lang kung may papansin na sa mga inilalabas sa telebisyon? Iyan ba ang epekto ng kanilang mga “gender sensitivity seminars”?
Kanya-kanya ng standards. Kung sabihin nga nila “relative” ang morality standards. May mga bagay na ok sa iba at hindi sa iba. Kung inaakala ninyo na ang mga ganyang panoorin ay hindi nababagay sa inyo o sa inyong mga anak, responsibilidad ninyo na awatin silang panoorin iyon. Huwag ninyong panonoorin. Kung ok naman sa inyo, panoorin ninyo. Ganoon lang ang buhay. Gusto nila iyong ganoon eh. Matatanda na sila. May sarili na silang isip. Bahala sila kung ano ang ginagawa nila.
HATAWAN – Ed de Leon