Monday , December 23 2024

Sibak na naman si Col. Pedrozo

00 Kalampag percySIBAK sa puwesto si Manila Police District (MPD) deputy director for operations Senior Supt. Marcelino Pedrozo at walo pa niyang kasamahan habang iniimbestigahan sa karumal-dumal na dispersal sa kilos-protesta sa harap ng U.S. Embassy sa Roxas Blvd., Ermita, Maynila kamakalawa.

Kasama sa mga isasalang sa imbestigasyon ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si PO3 Franklin Kho, ang nagwalang driver ng sasakyan na sumagasa sa mga raliyista na nagresulta sa malubhang pagkasugat sa 3 at 52 nasaktan sa marahas na dispersal.

Kitang-kita na nga sa video footage kung sino ang may kasalanan, ay may gana pang baligtarin ni Pedrozo ang mga pangyayari at ang mga nasaktang raliyista pa ang pinaratangan niyang nagpasimuno sa madugong pangyayari.

Pero hindi raw nagsisinungaling ang ebidensiya dahil bago niya ipag-utos ang kakila-kilabot na dispersal bilang ground commander ay nahuli-cam si Pedrozo nang wala siyang kamalay-malay.

Sa kuha ng isang TV network, maliwanag ang kuha ni Pedrozo habang sinasabon ang kanyang mga tauhan at nasagap din ang kanyang mga dialogue na, “MAGKAGULO NA KUNG MAGKAGULO?”

Sa kumalat na video, kitang galit na sinesermonan ni Pedrozo ang kanyang mga tauhan at patanong niyang sabihin na: “ANO’NG MUKHA ANG IHAHARAP NATIN SA US EMBASSY?”

Para sa kaalaman ni Pedrozo, ang sagot sa kanyang tanong na ating narinig noon mula sa isang pelikula ni Comedy King Dolphy kasama si Babalu na ating napanood ay: “ANO PA, E ‘DI IYANG MUKHA RIN NA ‘YAN!”

Isa tayo sa kalimitan ay hindi sang-ayon sa mga narinig nating paulit-ulit lang na pinagsasasabi ng mga nagrali noong Miyerkoles laban sa imperiyalismo at kung ano-ano pa.

Pero ang hindi ko maatim makita ay kung paano walang habas pinaghahataw ng mga lespu ang mga raliyista sa nangyaring dispersal na iisipin mong balewala lang sa kanila kung sa hinaharap ay mga anak, kapatid, magulang o mahal sa buhay naman nila ang magrarali.

Bakas na suklam sa mga raliyista ang umiral sa damdamin ng mga pulis at hindi pagtupad sa kanilang tungkulin nang pati driver lamang ng pampasaherong jeep na inupahan ay halos mapatay sa lupit ng mga inabot na hampas.

Nangilabot tayo nang ilang beses mag-atras-abante ang sasakyan na minaneho ng pulis na si Kho na ang talagang pakay ay pumatay, kumbaga ay may “intent to kill” gayong hindi naman kriminal ang mga nagrali.

Ang pagpapahayag ng saloobin tulad ng pagrarali ay karapatan ng kahit sinong mamamayan na ginagarantiyahan sa ilalim ng Saligang Batas na dapat irespeto.

Walang anomang batas, lalo’t mayor’s permit lamang ng City Hall ang puwedeng magtanggal sa karapatan ng sinomang mamamayan na nais magpahayag ng kanilang saloobin sa pamamagitan ng mapayapang rali.

Sa karaniwang vehicular accident nga ay nakakasuhan ng homicide to multiple homicide ang driver na nakasasagasa, lalo naman siguro kung tulad sa nangyari na sinadya at may intensiyon talaga na managasa na puwedeng pumatak sa kasong multiple attempted murder kung ‘di man attempted homicide, bukod pa sa nilabag na Constitutional right ng raliyista.

SABOTAHE KAY PDU30

INIIMBESTIGAHAN na rin ng Palasyo ang posibleng anggulo ng SABOTAGE o pananabotahe sa administrasyon ni Pang. Rody Duterte ang nakapangingilabot na dispersal.

Bale ba, ang pangyayari ay nataon, kung ‘di man itinaon, habang wala sa bansa ang pangulo kaya inaalam ng Palasyo ang kaugnayan sa giyerang inilunsad ni PDU30 laban sa ilegal na droga.

Bineberipika ang impormasyon na sinasabotahe ng sindikato ng NINJA COPS ang administrasyong Duterte dahil nabulabog ang hanapbuhay nilang pag-recycle ng nakompiskang shabu sa drug war na isinusulong ng pamahalaan.

NARCO LIST NI ERAP AT MPD PEKE?

HINDI malayo ang posibilidad ng pananabotahe sa kampanya kontra ilegal na droga ang madugong dispersal.

Nito lamang nakaraang linggo, sa ating panayam kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Supt. Oscar Albayalde sa malaganap nating programang Lapid Fire sa DZRJ-Radyo Bandido (810 Khz.), naitanong natin sa kanya ang posibilidad ng pananabotahe sa kampanya kontra illegal drugs sa Maynila.

Ito ay kaugnay ng pagkakapaslang kay Barangay 648 Chairman Faiz Macabato na inakusahang nanlaban sa pinasanib na anti-illegal drugs operation ng MPD at NCRPO sa Quiapo kamakailan.

Marami ang nagsasabing planado o sinadya ang pagpatay kay Macabato at hindi droga, kung hindi politika ang tunay na dahilan.

May mga nakarinig umano na dalawang oras matapos mapatay si Macabato ay dumating ang isang politiko at ang agad itinanong sa mga operatiba ay: “PATAY NA BA SI CHAIRMAN?”

Ayon sa ilan, si Macabato na noon ay natutulog sa itaas na palapag ng barangay hall at bumaba nang magising sa pagdating ng mga operatiba na pawang may takip ang mga mukha.

Agad siyang binitbit at ibinalik sa itaas ng barangay hall at doon pinatay na wala pang suot na damit pang-itaas.

Mukhang nabigla si Abayalde at hindi tuwirang nasagot ang ating katanungan kung nasisiguro ba niya na hindi nagagamit ang kanyang tanggapan sa paghihiganti lamang sa politika.

Bakit hindi man lamang nagsususpetsa o nag-iisip si Agbayalde na puwedeng-puwede siyang magamit at ang NCRPO ng politiko na gumagawa ng sariling narco list para maisakay sa kampanya ni PDU30 ang tunay na motibo?

Dapat lang siguruhin ni Agbayalde na ang listahan lamang ni PDU3o ang dapat pagbasehan ng kanilang operasyon upang hindi magtagumpay ang pananabotahe ng mga gagong politiko.

Mahirap pagtiwalaan ang listahang gawa-gawa lamang ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada na balitang binigo ni PDU30 sa kanyang hiling na mapalaya sa kulungan at mabigyan ng pardon ang anak na si Jinggoy.

Alam ba ni Agbayalde ang isa pang napabalitang hirit ni Erap nang magsadya sa Palasyo noong Setyembre na matanggal sa narco list ang isang pangalan na ‘di pinagbigyan ng pangulo?

NASIBAK SA EXTORTION

TAONG 2004, si Pedrozo ay sinibak ni noo’y PNP deputy director General Edgar Aglipay sa patong-patong na kasong extortion.

Si Pedrozo ang dating hepe ng noo’y anti-drug unit ng MPD.

Isa sa sinabitang kaso ni Pedrozo ang tangkang pangingikil ng P600,000 mula sa isang negosyanteng Intsik sa Binondo.

Tinakot umano ni Pedrozo at ng kanyang mga tauhan ang Intsik na kakasuhan sa droga kapag hindi ibinigay ang hinihinging halaga.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *