ANAK ng teteng mga ‘igan! Ano’t di na naman natuloy ang napipintong pagpapalibing kay former President Ferdinand “Macoy” Marcos sa Libingan ng mga Bayani?
Kaawa-awang labi ng isang pangulong tunay na naglingkod din sa ating bayan, bakit hindi mapatawad ng sambayanang Filipino ‘igan?
‘Ika nga ng iba nating kapwa Filipino, aba’y ipagpasa-Dios na lamang at nang mabiyayaan ka pa sa ginawa mong pagpapatawad sa kapwa.
Patay na si Macoy mga ‘igan! Tanong nga ng matatanda… “Sa isang Pinoy na tulad mo, (kung tunay kang Pinoy) mahirap nga bang ibaon na lamang sa limot ang ginawang pagpapahirap ni Macoy sa ilan nating mga kababayan, upang maging tahimik at payapa na ang lahat, at pagtuunan na nang pansin ang mga problemang kinakaharap at kakaharapin pa lamang ng bansa?
Patay na si Macoy ‘igan…gusto man n’ya sigurong humingi ng kapatawara’y hindi na magagawa. Tayong buhay lubos na nakauunawa, ipagpasa-Dios na lamang sana ang lahat.
Mahabang panahon na rin ang hinintay ng Pamilyang Marcos. Sa tagal ng panaho’y maaaring naghilom na rin sana ang mga sugat sa inyong mga puso’t isipan. Naniniwala pa rin ang lahat, na ang isang Pinoy ay likas na mapagpatawad. Subalit, mukha yatang nagbago ang ihip ng hangin, naging matigas ang puso sa pagpapatawad.
Aba’y teka, anong dahilan? Sinong dahilan?
‘Yan ang mga katanungang dapat sagutin mga ‘igan! Hindi kaya dahil nahahaluan na ito ng matinding politika? O, hindi kaya dahil nahahaluan na ng ibang kulay ang nasabing isyu? Anong kulay ‘igan, kulay dilaw? Huwag naman sana. Manatili pa rin sana ang paggalang natin sa isa’t isa. Ano mang partido mo, ano mang kulay mo, Filipino pa rin ang dugong dumadaloy sa ‘yong katawan. Pinoy na mapagpatawad, subalit nakikibaka rin sa ano mang bagay o’ karapatang ipinaglalaban. Filipino ka pa rin ba?
TULISANG PULIS NATIMBOG
HULI ka! Ayon sa aking pipit mga ‘igan, natimbog ang umano’y tarantadong si PO3 Samuel Crisostomo ng Barangay 176 Zone 15 Gagalangin, Tondo Manila. Aba’y illegal connection ng tubig ang kinasasangkutan umano ng tigasing pulis, na siya ring inirereklamo ng kaniyang mga kapitbahay.
Mantakin mo nga naman mga ‘igan, ayon sa aking pipit na malupit, super laki ng bahay ng Mamang Pulis. At take note, may negosyo pa. Pero nang matimbog, sus ginoo, ilegal umano ang tubig na dumadaloy sa kanyang malapalasyong bahay sampu ng kanyang negosyo. Ang mabigat pa rito’y ilegal din umano ang koryenteng gamit ng damuho sa kanyang malapalasyong-bahay at negosyo, partikular sa kanya umanong computer-shop… OMG!
Ano ka ba namang klaseng lingkod-bayad este lingkod-bayan? Imbes imbestigahan ang mga ilegal na gawain, aba’y ikaw dapat ang paimbestigahan sa ilegal na gawain mo! ‘Ika nga ni Kaka… “Walang lihim na hindi nabubunyag.”
Bagamat ang illegal connection ng tubig ay mapapatunayan lamang sa pamamagitan ng paghukay nang malalim, tulad ng isang lihim, aba’y, paging Maynilad!
Bossing Bong, Bossing Val at Bossing William, nawa’y masimulan n’yo na po ang ang paghuhukay ng katotohanan sa likod ng katarantaduhan, kasabay ang pagsiwalat ng mga ebidensiyang makapagpapatimbog sa animal nang ‘di na pamarisan pa!
Maging sa Meralco. Paging Meralco Tutuban! Bossing Boy, paki-imbestigahan din po ninyo ang tiwaling pulis, na ayon sa aking pipit na malupit ay matagal nang panahong nagnanakaw ng koryenteng maaring maging sanhi ng sunog sa nasabing barangay.
Aksiyon Asap!
Tuloy-tuloy lang po ang BBB mga ‘igan, kasama ang kanyang pipit na malupit, sa pagsupil sa mga tiwaling lingkod-bayan, ‘ika nga ni Ka Digong…tungo sa tunay na pagbabago!
E-mail Add: [email protected]
Mobile Number: 09055159740
BATO-BATO BALANI
ni Johnny Balani