NATUMBOK ni Senate Committee on Justice and Human Rights chair Sen. Richard “Dick” Gordon kahapon ang malimit nating itanong na hindi nasasagot kapag tungkol sa illegal drugs operations ang paksa na ating tinatalakay sa malaganap na programang Lapid Fire na napapanood sa 8Tri-TV via Cablelink TV Channel 7 at sabayang napapakinggan sa DZRJ-Radyo Bandido (810 Khz.) tuwing umaga, 9:00 am – 10:00 am, Lunes hanggang Biyernes.
Tanong ni Sen. Gordon: “Sino ang may-ari ng shabu laboratory?”
Kung hindi pa si Sen. Dick Gordon ang nagtanong, hindi pa maisasapubliko na isang JOSEPH CHUA pala ang nagmamay-ari ng nahuling mega shabu laboratory sa Barangay San Juan Bano, Arayat, Pampanga noong nakaraang buwan.
Ang hindi natin maintindihan sa mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay ano ang dahilan at bakit laging hindi nababanggit ang pangalan ng mga nagmamay-ari o tenant sa mga nadidiskubreng laboratory ng shabu.
Hindi pa rin nababanggit kung sino ang nagmamay-ari o tenant sa condo unit na ginawang shabu lab na sinalakay ng PDEA na umaresto sa dati nilang kasamahang si Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino at Yan Yi Shou noong January 21 sa Sta. Cruz, Maynila.
Buwan ng Hulyo, dalawang Taiwanese ang nadakip sa isang shabu lab sa inuupahan nilang bahay sa Philamlife Village, Las Piñas City pero hindi nabanggit kung sino ang nagpapaupa sa kanila.
Bakit ang tenants sa mga barong-barong at maliliit na bahay na ginagawang drug den ay laging nababanggit, ang malalaking shabu lab ay hindi?
MCJ INMATES NAGWALA,
WARDEN IPINASISIBAK
KAHAPON nang magtatanghali ay nasalubong namin ang convoy ng mga mamamahayag palabas ng Manila Police District (MPD) headquarters sa U.N. Avenue.
Isa sa kanila ang nakapagsabi sa amin na may riot daw sa Manila City Jail.
Pero sabi sa balita ay noise barrage ang nangyari at hindi riot.
Hiling daw ng mga preso na mapatalsik ang kasalukuyang warden.
Teka, totoo ba na si Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Supt. Gerald Bantag ang kasalukuyang warden ng MCJ?
Kung si Bantag nga ang warden ng MCJ, paano siya nabigyan ng mas malaking puwesto gayong hindi pa maliwanag hanggang ngayon kung ano ang tunay na pangyayari sa likod ng patayan sa Parañaque City Jail noong Agosto na ikinamatay ng 10 bilanggo?
Kabago-bago pa lang sa puwesto, isinusuka na agad ng mga preso si Bantag?
Hmmm, duda ka na!
‘POLITIKA’ ANG DAHILAN,
HINDI DROGA SA NAPATAY
NA BGY. EXEC SA QUIAPO
MAY mga alimuom tayong naririnig na hindi raw sangkot sa illegal na droga si Barangay 648 chairman Faiz Macabato ng Quiapo na napatay sa sinasabing illegal drug operations sa Islamic Center noong Biyernes.
Taliwas din umano ang paratang na nanlaban si Macabato sa mga operatiba.
Mas kapani-paniwala umanong ‘politika’ at hindi ilegal na droga ang talagang dahilan kaya pinatay si Macabato.
Kung saan ibinase ang paratang laban kay Macabato ay tanging ang mga nagsabing sangkot siya sa ilegal na droga lamang ang nakaaalam.
NAARESTONG BGY EXEC
NG STA. CRUZ, MAYNILA
HINDI mapapasubalian ang katotohanan na maraming opisyal ng barangay ang talagang sangkot sa droga, aminin man o hindi.
Halimbawa na si Barangay 337 chairwoman Joycee Reyes ng Sta. Cruz, Maynila at ang live-in partner niyang si Mariano Duque ay napabalitang nalambat ng mga awtoridad sa isang anti-drug operation noong April 5 sa Quezon City.
Sina Reyes at Duque ay natimbog sa inilatag na buy bust operation sa kanto ng Examiner at Quezon Avenue, Brgy. West Triangle matapos maaktohang nagbebenta ng shabu sa ipinaing buyer ng District Anti-illegal Drugs Special Operations Task Group (DAIDSOTG).
Nasamsam mula sa kanila ang apat na plastic sachets ng shabu na P100,000.00 ang katumbas na estimated street value.
Kung hindi moro-moro at kunwa-kunwarian lang ang kampanya ng ilegal na droga, bakit tahimik si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada sa kaso ni Reyes na barangay chairman sa Maynila?
Bakit hindi ipalusob at ipagalugad ni Erap sa Manila Police District (MPD) at National Capital Regional Office (NCRPO) ang barangay ni Reyes?
Si Erap ay mahilig talagang umarte kahit wala nang pelikula!
KAMPANYA
VS KOLORUM
MORO-MORO
GALIT na galit ang mga motorista dahil sa matinding trapik na kanilang naranasan kamakailan mula sa Coastal Cavitex hanggang Macapagal Blvd.
May sorpresa palang operation laban sa mga kolorum van at UV Express ang pinagsanib na puwersa ng Land Transportation and Franchising Regulatory Bureau (LTFRB), Land Transportation Office (LTO) at Parañaque Traffic Management Office (PTMO) sa Cavitex at Macapagal Blvd., isang umaga sa kasagsagan ng rush hour kaya nagkabuhol-buhol ang mga sasakyan sanhi ng idinulot na trapik sa lugar.
Nagkabuhol-buhol ang mga sasakyan, lahat ng may tatak na UV Express pero berde ang nakakabit na plaka ay pinara, pati na ang mga pribadong van na suspetsang ipinapasada.
Marami sa mga pribadong sasakyan na maagang umaalis upang makaiwas sa trapik ay nahuli tuloy sa kanilang mga pupuntahan.
Duda tayong may plano talaga ang mga nabanggit na ahensiya na sugpuin ang ilegal na sasakyang nagpapasikip ng trapiko.
Kailangan ba guluhin ang mga motorista sa lansangan at abalahin pati ang publiko para maipatupad ang mga batas trapiko?
Kung totohanan ang kampanya ng LTFRB, LTO, PNP Highway Patrol Group at MMDA, bakit hindi sa mga illegal terminal nila puntahan ang mga kolorum na sasakyan habang wala pang sakay na pasaherong maaabala?
Buwagin n’yo na rin pati ang mga illegal terminal para maniwala ang publiko na hindi kayo kasamang kumikita sa kotong.
Unahin n’yo ang illegal terminal ng Matandang Bruhang burikak sa Plaza Lawton sa harap mismo ng Post Office na pinagkakakitaan ni dating Konsehal D.A. Tamulmol.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid