PATAY ang pito katao, kabilang ang barangay chairman, makaraan ang inilunsad na anti-illegal drug operation sa Quiapo, Maynila kahapon.
Kabilang sa mga napatay sina Barangay 648 Chairman Nohg Faiz Macabato, may P1 milyon patong sa ulo, Kagawad Malic Bayantol, Gaus Macabato, at apat hindi pa nakikilalang kalalakihan, isinugod sa Justice Jose Abad Santos General Hospital ngunit pawang idineklarang dead on arrival.
Ayon kay NCRPO Chief Oscar Albayalde, nanlaban ang nasabing mga suspek nang tangkaing pasukin ng mga pulis ang barangay hall na kinaroroonan nila.
Dagdag ng mga awtoridad, umaabot sa 263 katao ang kanilang dinakip bilang “persons of interest” kabilang ang isang hinihinalang komander ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na kinilalang si Sambetory Macaraas Sarip, 33-anyos.
Ang nasabing operasyon ay isinagawa nang pinagsamang puwersa ng Manila Police District (MPD), National Capital Region Police Office (NCRPO), at Special Action Force (SAF) unit.
“Tumanggi raw ‘yung chairman hanggang magkaroon ng mainitang sagutan na nauwi sa barilan, tinamaan ‘yung chairman sa dibdib at isa pa, na nagtangkang tumulong bago isinugod sa Ospital ng Maynila,”ayon kay SPO2 Jonathan Bautista, ng MPD-homicide section.
ni LEONARD BASILIO
KAGAWAD PATAY SA RATRAT NG 5
PATAY ang 60-anyos barangay kagawad makaraan pasukin at pagbabarilin ng limang hindi nakikilalang mga suspek sa Caloocan city kahapon ng madaling araw.
Agad binawian ng buhay si Alberto Cleofas, Kagawad ng Barangay 18, at residente sa Apolinario Mabini Alley kanto ng Libis Espina Extension.
Ayon sa ulat nina PO3 Edgar Manapat at PO1 Aldrin Mattew Matining, dakong 2:30 am, biglang pinasok ng mga suspek sa bahay ang biktima at pinagbabaril.
( ROMMEL SALES )
8 SANGKOT SA DROGA
TODAS SA VIGILANTE
WALONG katao na hinihinalang sangkot sa droga ang namatay makaraan pagbabarilin ng pinaniniwalaang mga miyembro ng vigilante group sa magkakahiwalay na lugar sa Caloocan City.
Kinilala ang mga biktimang sina Lawrence Esteves, 21; Fernando Castillo, 45; Celestino Fonteron Jr., 52;
Joe Allan De Liva, 28; Jimmy Chaves, 51; Jason Patricio; Mharry Ann Manansala Bamba, 42, at Jomar Gayod, 21-anyos.
Ayon sa pulisya, ang mga suspek ay pawang hinihinalang sangkot sa droga sa nabanggit na lungsod.
( ROMMEL SALES )
2 HOLDAPER/PUSHER
UTAS SA QC COPS
DALAWANG hinihinalang holdaper at drug pusher ang napatay makaraan lumaban sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) Fairview Police Station 5, sa buy bust operation kahapon ng umaga sa nasabing lungsod.
Sa ulat kay QCPD director Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, kinilala ang mga napatay na si alyas Roy, no. 6 sa top 10 drug personalities ng istasyon, habang patuloy pang inaalam ang pagkakilanlan sa isa pa.
Napatay ang nasabing mga suspek dakong 1:15 am kahapon sa sa ikinasang buy-bust operation sa kanto ng Quirino Highway at Zabarte Road, Quezon City.
( ALMAR DANGUILAN )
1 PATAY, 50 ARESTADO
SA DRUG OPS SA PORT AREA
PATAY ang isang hindi nakilalang drug suspect sa Port Area, Maynila sa operasyon ng mga awtoridad kahapon.
Kasabay nito, 50 katao ang inimbitahan ng mga tauhan ng MPD Station 5 para imbestigahan.
Ayon kay Supt. Albert Barot ng MPD, isa sa mga hinuli nila ay aktibong tauhan ng PCG na may dalang baril.
( LEONARD BASILIO )
DRUG USER UTAS SA TANDEM
BINAWIAN ng buhay ang isang hinihinalang drug user makaraan pagbabarilin ng riding-in-tandem suspects sa harap ng kanyang misis sa Pasig City kamakalawa ng gabi.
Sa ulat na tinanggap ni Chief Supt. Rolando Sapitula, EPD Director, kinilala ang napatay na si Ronald Avache, nasa hustong gulang, residente ng Brgy. Sapat sa lungsod.
Ayon sa ulat, dakong 9:00 pm, sakay ng motorsiklo ang biktima habang angkas ang kanyang misis nang biglang barilin sa ulo ng hindi nakilalang mga suspek si Avache.
( ED MORENO )
2 DRUG SUSPECT PATAY SA BOGA
PATAY ang dalawa katao na hinihinalang sangkot sa droga nang pagbabarilin ng riding-in-tandem suspects sa magkahiwalay na lugar sa mga siyudad ng Makati at Parañaque kamakalawa ng gabi.
Namatay noon din ang biktimang si Amir Maruhombsar, barker, nang pagbabarilin sa Quirino Avenue, Brgy. Baclaran, Parañaque City.
Habang namatay ang hindi nakilalang sinasabing drug user nang pagbabarilin ng hindi nakilalang mga suspek sa Arnaiz St., Brgy. Pio del Pilar, Makati City.
( JAJA GARCIA )
2 TULAK BULAGTA
SA RATRAT, 5 TIMBOG
PATAY ang dalawang hinihinalang tulak ng droga makaraan makipagbarilan sa mga pulis, habang lima ang naaresto sa buy-bust operation sa City of San Jose Del Monte kamakalawa.
Sa ulat mula kay Supt. Wilson Magpali, hepe ng San Jose del Monte City, ang isa sa mga napatay ay kinilalang si Teodoro Fortes, pangwalo sa top 10 drug personalities sa naturang siyudad.
Ayon sa ulat, si Fortes ay nakatakas sa dalawang anti-drug operations hanggang makorner ito sa bahay ni Fernando Rodrigo, na napatay rin sa pagpapalitan ng putok.
Habang nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang limang naaresto na sinasabing mga tulak ng ilegal na droga sa SJDM City.
( MICKA BAUTISTA )