ARESTADO sa Customs and Philippine Drug Enforcement Angency (PDEA) ang dalawang Hong Kong residents at isang Russian national bunsod nang pagpuslit sa bansa ng 27 kilo ng cocaine na nagkakahalaga ng P135 milyon, sa loob ng kanilang check-in luggage kahapon.
Positibong kinilala nina Ninoy Aquino International Airport (NAIA) District Collector Ed Macabeo, Customs Police chief Reggie Tuason at Col. Marlon Alameda, Customs Anti-Illegal Drug Task Force, sa kooperasyon ng X-ray project personnel, ang tatlong incoming passengers na sina Chan Kawai, Pau Homanevan parehong Hong Kong residents, at ang Russian na si Kirdyushkin Yuri.
Nang dumating ang tatlong pasahero sa NAIA mula sa Rio, Brazil via Dubai lulan ng Emirates Air flight EK 332 dakong 4:30 pm, ay agad inalerto ng Customs at PDEA ang kanilang personnel.
Ayon kay Macabeo, nang kunin ng tatlo ang kanilang bagahe mula sa conveyor, sinabihan silang magtungo sa Customs office para sa inspeksiyon ng kanilang maleta.
Doon natagpuan ng mga awtoridad ang cocaine sa powder form at ilan sa liquid form. Sinusuri ng mga tauhan ng PDEA at Customs kung ano ang nasa liquid form.
Ang bagahe ng Russian ay may laman na tinatayang 7.4 kilo ng hinihinalang cocaine (powder form) at 2.5 ng liquid cocaine, habang ang dalawang Chinese ay may dalang siyam na kilo ng powder shabu sa loob ng kanilang bagahe.
Sinabi ni Customs Deputy Commissioner Arnel Alcaraz, ang shipment ay tinatayang nagkakaha-laga ng P135 milyon.
ni JERRY YAP
P2.79-M ECSTACY HULI SA 4 TULAK
UMAABOT sa halagang P2.79 milyon ecstacy ang nakompiska ng mga ope-ratiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa apat party drug pusher sa magkahiwalay na drug operation, iniulat ng pulis-ya kahapon.
Kinilala ni QCPD director, Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang nadakip na sina Arvie Cabayacruz, 26; Maria Ronela Evangelista, 29; Joseph Areogapita, 36, at Maureen Bermejo, 41-anyos.
Ayon kay Eleazar, dakong 5:00 am noong Oktubre 3, 2016, nang maunang maaresto sina Evangelista, Areogapita, at Bermejo sa harap ng B7 T. Alonzo St., Brgy. West Rembo, Makati City at nakompiskahan ng dalawang medium size zip lock plastic sachets na may lamang 200 blue ecstacy tablets (cookie monster) na nagkakahalaga ng P300,000 at isang plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P3,000.
Sa follow-up operation noong Oktubre 4, dakong 2:30 pm, nadakip si Cabayacruz sa isang fast food chain outlet sa Roxas Blvd., Service Road, Brgy. 76, Zone 10, Pasay City, makaraan ikanta ng tatlong unang naaresto.
Nakompiska kay Cabayacruz ang dalawang medium size zip lock plastic sachets na may lamang 200 tablets ng cookie monster ecstacy na may halagang P300,000.
Si Cabayacruz, ang live-in partner ng isang Dutch national na si Martin Frederick De Jong, naaresto ng National Bureau of Investigation dahil sa pagbebenta ng ecstasy noong Hunyo 3, 2016 sa Makati City.
( ALMAR DANGUILAN )
5 SAKO NG SHABU ‘NAIPON’ SA AGUSAN
BUTUAN CITY – Patuloy ang konsolidasyon ng pulisya at militar sa bayan ng Bunawan, Agusan del Sur, sa kabuuang timbang at halaga ng nakompiskang limang sako ng suspected shabu makaraan ang drug raid dakong 3:45 am kahapon.
Ayon kay Bunawan Mayor Edwin Elorde, nagtagumpay ang pinagsanib na puwersa ng pulisya, sundalo at lokal na pamahalaan sa kanilang pagpasok sa walong kabahayan sa Muslim community sa Brgy. Consuelo.
Inaalam ng mga awtoridad ang totoong pagkakilanlan ng mga suspek dahil puro alyas lang ang ginamit ng korte sa paglagay sa kanilang mga pangalan bilang subjects sa search warrants.
About Jerry Yap
Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)