Friday , April 18 2025

Aklat ng Bayan publikasyon para kay Juan

082916 KWF aklat bayan
SIYAM na aklat ng klasikong akda na isinalin sa Filipino at kritika sa anyong sanaysay ang itinampok ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa paglulunsad ng Aklat ng Bayan sa Bulwagang Romualdez sa Watson Building, JP Laurel St., Malacañan Complex, San Miguel, Maynila kahapon. Nasa larawan, mula sa kaliwa, ang mga nagsalin na sina MJ Tumamac a.k.a. Xi Zuq sa Peter Pan ni James Matthew Barrie; Allan Derain (Ang Kuwintas at iba pang Kuwento); Nicholas Pichay, Haring Lear ni William Shakespeare; Ferdinand Pisigan Jarin, Paglalakbay sa Pusod ng Daigdig ni Jules Verne; at Ergoe Tinio, Frankenstein ni Mary W. Shelley. Gayon din ang Sa Praga: Mga Piling Tula ni Jaroslav Seifert ng LIRA; El Consejo de los Dioses at Junto al Pasig, salin nina Virgilio Almario at Michael Coroza; at Pandiwa Taon 2 Bilang 1 na edit ni Kom. Purificacion Delima. (BONG SON)

MURA AT KALIDAD.

Ito ang iginagarantiya ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa kanilang proyekto na Aklat ng Bayan.

Kasabay ng patuloy na pagdiriwang ng KWF sa Buwan ng Wika na may temang “Filipino: Wika ng Karunungan” ay opisyal na inilunsad ang matagal nang pangarap ng komisyon na “Aklatan ng Karunungan” o ang Aklat ng Bayan.

Malaki ang naitutulong ng Aklat ng Bayan sa mga mambabasang Filipino, bunga ng paglilimbag ng mga aklat pang-ortograpiya, pangkultura, at mga klasikong akdang isinalin sa wikang Filipino.

Unang inilunsad ang naturang proyekto noong 2013 nang umupo si Ginoong Virgilio S. Almario bilang tagapangulo ng KWF.

Pinasimulan ito upang isakatuparan ang pangarap nilang Aklatan ng Karunungan o Library of Knowledge, alinsunod sa 1987 Konstitusyon, na nagsasaad ng pagpapalago ng wikang Filipino sa edukasyon.

Ani Binibining Louise Adrianne O. Lopez, junior editor ng Aklat ng Bayan, bukod sa nasusulat na adhikain ng proyekto, layon ng programa na maiparating sa mas maraming mambabasang Filipino ang mga makabuluhan at premyadong akda sa mababang halaga.

082916 KWF aklat bayan 2

Ayon kay Lopez, sinadyang ibenta ang mga aklat sa ganitong halaga upang maging abot-kaya ng masa. Sa kabila ng murang halaga ng mga aklat, sinisiguro ng mga manunulat, tagasalin, at editor sa komisyon na de-kalidad ang mga akdang inililimbag nila taon-taon.

Nasisiguro ng mga kawani ng KWF na wasto ang paggamit nila ng wika sa mga akda, sa-pagkat dumaraan ito sa pagsusuri ni Tagapangulong Almario. Bukod dito, sinisiguro ng tagapangulo na makatutulong sa mga mambabasa ang lathalain bago ito aprubahan.

Suportado ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining o National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang adhikain ng KWF, ang patuloy na pagpapayabong sa wikang Filipino, kaya tumutulong sa aspektong pinansiyal.

Bukod sa mga aklat pang-ortograpiya, mga kuwento mula sa mga panitikang katutubo, manwal, atlas, at mga klasikong akdang isinalin sa Filipino na maaari nang mabili sa KWF, maraming kaabang-abang na proyekto ang inihahanda ng Aklat ng Bayan para sa susunod na taon.

Sa pagpapatuloy ng pagsasalin ng classics, ay tutuon ang Aklat ng Bayan sa mga pananaliksik sa iba’t ibang kultura at wikang etniko.

Dagdag ni Lopez, dapat abangan ang salin ng obra ni Plato na The Republic, na nakatakdang isalin ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at tagapangulo ng komisyon na si Almario.

“Hinihiling at ipinagdarasal namin na maipagpatuloy ang proyektong ito, magkaroon man ng pagbabago sa pamunuan” ani Lopez.

Umaasa ang komisyon na lalong tumatag ang adbokasiya nitong “Aklat ng Karunungan,” sa tulong ng mga mananaliksik, tagasalin, at manunulat na masigasig na pinangangalagaan ang wikang Filipino.

nina Joana Cruz at Kimbee Yabut

About Joana Cruz Kimbee Yabut

Check Also

Sarah Discaya

Walang Katotohanan sa Umano’y Pang-aabuso sa PWD sa Pasig

ISANG residente ng Lungsod ng Pasig na lumahok sa pamamahagi ng bigas—kung saan na-interview ang …

Imelda Aguilar Dalia Varde Khattab

Pambato ng Las Piñas sa 2025 Binibining Pilipinas bumisita kay Mayor Aguilar

MALUGOD na tinanggap ni Mayor Imelda “Mel” Aguilar sa kanyang tanggapan ang 21-anyos Filipino-Egyptian actress …

SV Sam Verzosa Wilson Lee Flores

Sam Verzosa handang makipagharap kay Isko Moreno sa isang matalinong debate

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez HANDANG-HANDA si Manila Mayoralty candidate Sam Verzosa, sakaling anyayahan siya para sa …

Ortigas Malls

Ortigas Malls engrandeng pagsalubong sa Easter Sunday magaganap

NAGLABAS ng Holy Week mall hours ang Ortigas Malls para sa mallgoers, bilang paggunita sa …

FPJ Panday Bayanihan Partylist, 500,000 Signatures tinanggap mula sa Volunteer Movement

FPJ Panday Bayanihan Partylist, 500,000 Signatures tinanggap mula sa Volunteer Movement

NAKAMIT ng FPJ Panday Bayanihan Partylist ang matatag na suporta mula sa publiko sa pamamagitan …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *