TATLO katao na sinasabing mga sangkot sa illegal na droga ang namatay makaraan lumaban sa isinagawang ‘One-Time-Big-Time’ anti-criminality operation sa Navotas City kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Northern Police District (NPD) director, Sr. Supt. Roberto Fajardo, dakong 3:00 pm nang magsagawa ng one time big time anti-criminality operation ang pinagsanib na puwersa ng DPSB, NPD-SWAT, DID, Maritime Group at Navotas Police sa Navotas Fish Port Complex, Market 3, Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN) at Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS).
Base kay Navotas Police chief, Sr. Supt. Dante Novicio, magsisilbi ng warrant of arrest ang mga tauhan ng PCP-4 sa pangunguna ni Insp. Albert Trinidad sa Road 10, Sitio Sto. Niño, Brgy. NBBS nang mapansin nila ang dalawang lalaki na nag-aabutan ng pinaniniwalaang shabu na kinilalang sina Raul Rarugan, alyas Ninong, at Jommel Ejorcades, alyas Boknoy, 28, kapwa miyembro ng Sputnik Gang.
Nang mapansin nila ang mga pulis ay pumasok ang isa sa tindahan habang pumuwesto ang isa sa labas at bumunot ng baril.
Tinangkang paputukan ng isang suspek ang mga pulis ngunit hindi pumutok.
Napilitang gumanti ng putok ang mga pulis dahilan ng agarang kamatayan ng mga suspek.
Samantala, nakipagbarilan sa mga tauhan ng SID sa Navotas Fish Port Complex ang isa pang miyembro ng Sputnik Gang na isang alyas Jimmy, nagresulta sa kanyang kamatayan.
( ROMMEL SALES )