ARESTADO ng kanyang mga kabaro ang isang pulis makaraan magsumbong sa isang police official ang 21-anyos babaeng preso na sapilitang ibinugaw sa isang inmate sa Valenzuela City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Valenzuela City police chief, Senior Supt. Ronaldo Mendoza ang suspek na si PO3 Fernando Mariano, 38, nakalataga sa Valenzuela Detention Cell Unit at residente sa Lot 7, Blk. 9, Champaca St., Pleasant View Subdivision, Bagbaguin ng nasabing lungsod.
Sa salaysay ng biktimang si “Myrna” sa Valenzuela City Police Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD), nakulong sa drug case, natutulog siya sa loob ng detention cell dakong 1:30 am noong Agosto 5, 2016 nang gisingin siya ni PO3 Mariano.
Sapilitan siyang dinala ng pulis sa detention cell ng isang Raffy Libiran na nakapiit sa Valenzuela City Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at ibinugaw.
Walang nagawa ang biktima nang puwersahang gahasain ni Libiran sa loob ng kulungan at nang makaraos ay pinagbantaan ni PO3 Mariano ang babae na may masamang mangyari sa kanya kapag nagsumbong kahit kanino.
Ngunit nagkaroon ng pagkakataon ang biktima na magsumbong kay Senior Insp. Milan Naz ng Detective Management Unit, nang magsagawa ng bible study sa loob ng kulungan ng mga babae ang Born Again Christian.
Nahaharap si PO3 Mariano sa kasong paglabag sa R.A. 9202 (Anti-Trafficking of Persons Act of 2003) habang kakasuhan ng rape si Libiran.
ni ROMMEL SALES