NALUNOD ang dalawang laborer sa malalim na kanal na pinaniniwalaang Maynilad project sa Malabon City kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang mga biktimang sina Regie Nicart, 23, stay-in sa Jagon Build Corporation sa Borromeo St., Brgy. Longos, at Jimmy Selmaro, dating construction worker sa Maynilad project.
Sa imbestigasyon nina PO3 Alexander Dela Cruz at PO1 Joenel Claro, dakong 11:00 am nang makita ang wala nang buhay na katawan ng mga biktima sa ilalim ng drainage sa kahabaan ng Borromeo St.
Nauna rito, huling nakitang buhay si Nicart dakong 7:00 pm ng Agosto 7, ng foreman ng Jagon Build Corp. na si Willy Penes habang nag-iinspeksiyon ng mga gamit sa konstruksiyon.
Kinaumagahan dakong 8:00 am, hindi na napansin ng kanyang mga kasamahan si Nicart kaya hinanap siya ngunit hindi makita hanggang sinubukang lumangoy ng isang Jesus Belen sa drainage canal sa naturang lugar.
Sa ilalim ng tubig ay nakita ni Belen ang katawan ng mga biktima kaya agad ipinaalam sa mga construction worker ng Jagon Build Corp.
Mabilis nilang iniahon ang bangkay ng dalawa at agad ipinaalam sa mga awtoridad ang insidente.
Sa pagsisisayat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), walang nakitang palatandaan na biktima ng karahasan ang dalawa. Hinala ng pulisya, posibleng kapwa nalunod ang mga biktima sa naturang drainage canal.
Nakatakdang isailalim sa awtopsy examination ang bangkay ng mga biktima upang matukoy ang tunay na dahilan ng kanilang pagkamatay.
( ROMMEL SALES )