PATAY ang pito katao sa muling pag-atake ng vigilante group sa Caloocan City.
Dakong 10:30 pm kamakalawa, nasa loob ng kanilang bahay sa 1038 A. Mabini St., Brgy. 33, kasama ang kanyang mga anak, si Adan King Gatdula, 35, habang nanonood ng television nang biglang pumasok ang apat miyembro ng Caloocan Death Squad (CDS) na pawang naka-bonnet at armado ng baril.
Kinaladkad palabas ng mga suspek ang biktima at pinagbabaril hanggang mapatay at pagkaraan ay mabilis na tumakas.
Ayon kay PO2 Romel Caburog, dakong 1:50 kahapon ng madaling araw, naglalaro ng cara y cruz sa harap ng Nanay Loretas Tapsilogan at Burger Station sa Peter St., Tala, Malaria, Brgy. 185 sina Robert Joshua Cabili, 25, at Glenn Sapolingan, 20, nang pagbabarilin si Cabili ng anim lalaki na lulan ng tatlong motorsiklo.
Agad binawian ng buhay si Sapolingan habang nahagip ng bala sa kanang hita si Sapolingan.
Namatay si Michael Mendoza, 33, ng Phase 2, Block 3, Bagong Silang makaraan pagbabarilin ng riding-in- tandem habang nag-aayos ng cellphone sa Phase 3 dakong 9:10 pm kamakalawa.
Naghihintay ng pasahero ang tricycle driver na si Japhet Bacaltos, 37, sa Sanana Tricycle Terminal sa Meramonte Height, Brgy. 180 dakong 4:00 am kahapon nang pagbabarilin ng hindi kilalang suspek na sakay ng motorsiklo na nagresulta sa kanyang kamatayan.
Hindi umabot nang buhay sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital si Ricardo Enderez, Jr., 49, ng 19 Kumintang St. Urduja Village makaraan pagbabarilin sa ulo ng hindi nakilalang suspek na lulan ng motorsiklo.
Sa Brgy. 176, Bagong Silang, pinagbabaril ng hindi nakilalang suspek hanggang mamatay sa kanyang bahay sa Phase 4B, Package 9, Block 69, Powerline si Alfredo Tablate, alias “Dodong” dakong 4:00 pm.
Pagsapit ng 7:00 pm habang nasa loob ng kanyang bahay kasama ang kanyang anak si Jose Andrew Marie Tesorero, 30, ng 0008-A Albay St., Dela Costa Homes 2, Brgy. 179 nang biglang pumasok ang dalawang suspek at siya ay pinagbabaril hanggang mapatay.
Samantala, sa ulat nina PO3 Noel Bollosa at PO2 Cesar Garcia kay Caloocan City Police chief, S/Supt. Johnson Almazan, dakong 11:45 pm nang makipagbarilan si Michael Paguia, 38, ng 148 BMBA Compd., Brgy. 118, sa mga tauhan ng SAID-SOTG at PCP-1 sa pangunguna ni Insp. Cecelio Tomas, nang maaktohang nagbebenta ng droga sa kanyang buyer sa isinagawang “Oplan Galugad” sa nasabing lugar na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Nadakip sa operasyon ang dalawang katransaksiyon ni Paguia.
( ROMMEL SALES )
PUMALAG SA OPLAN TOKHANG, 2 PATAY
PATAY ang dalawang lalaki makaraan lumaban sa mga pulis sa ikinasang “Oplan Tokhang” at buy-bust operation sa magkahiwalay na lugar sa Maynila.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Station 4, dakong 10:38 pm itong Lunes nang mapatay si Macawadib ‘Jumar’ Jamar, nasa hustong gulang, at residente ng 292 Quezon Marinaut, Marawi City, sa isinagawang “Oplan Tokhang” ng mga operatiba ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID)/Anti-Crime at Gulod Police Community Precinct (PCP), sa pangunguna nina SPO4 Ramon Relator at Senior Inspector Elias Dematera, sa isang apartment building sa 926 Rosarito St., sa Sampaloc.
Kasunod nito, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng MPD-Station 2 dakong 1:50 am sa Jose Abad Santos Ave., kanto ng Quiricada St., sa Tondo at napatay ang suspek na si Ferdinand Salazar.
( LEONARD BASILIO )
Naaktohan sa pot session
2 HOLDAPER UTAS SA PARAK
PATAY ang dalawang hinihinalang holdaper na sinasabing drug pushers nang makipagbarilan sa mga pulis habang naaresto ang dalawang babaeng kasama sa pot session sa isang bahay sa Pasay City nitong Lunes ng gabi.
Agad binawian ng buhay ang dalawang suspek na kinilala sa alyas na Tisoy at Junion Obaro, suspek sa paghoholdap at tulak ng ilegal na droga sa Baclaran.
Habang nakapiit sa detention cell ng Pasay City Police ang kanilang kasama na sina Maria Fe Diwa, 25, at Emerissa Ballati, 33-anyos.
( JAJA GARCIA )