AMINADO si Judy Ann Santos na natakot siya na mapanood ang advance screening ng pelikula niyang Kusina na kalahok sa 2016 sa Cinemalaya Independent Film Festival na magsisimula ngayong August 5 at magtatapos sa August 15.
“Nandoon kasi ’yung takot ko at kaba kasi ibang-iba siya. Kumbaga, hindi siya ’yung normal na pelikulang ginagawa ko na nagpapatawa ako, ’yung kung iiyak, iiyak, family drama o ano,” paliwanag niya.
Pero maraming hugot si Juday sa naturang pelikula.
“Sobra ba?,” bungad niya.
“Siguro masyado ko na lang ini-relate ‘yung character kay Juanita at lahat naman tayo ay may mga buried emotions sa mga past na itinago natin at ayaw nating harapin for the longest time. Siguro, ako, dumating lang ako sa punto na nagkaroon ako ng chance o butas na ilabas ang emosyon na ‘yun kasi kinalimutan ko na ‘yun, eh. May mga emosyon na gusto mo nang kalimutan kasi hindi mo siya naharap,” sambit niya.
“’Yun pala ang rason niyon. Mayroon isang pelikula na kailangan kong gamitin at salamat sa character ni Juanita kasi nai-relate ko siya roon lahat,” dagdag pa ng young superstar.
Nakikita ang totoong Juday sa pelikulang Kusina sa hilig niya sa pagluluto. Hindi raw niya kaya ‘yung tapang at pagkaduwag ni Juanita dahil baka ikamatay niya. Transparent naman daw siya kung sino ang gusto niyang kausap at kung kanino siya may sama ng loob. Kailangan daw hinaharap ang mga ganap natin sa buhay.
Sa totoong buhay ba aware siya na dapat iba-iba ang ipinapakain at niluluto. Hindi puro sinigang? Ganoon din sa formula sa pagsasama ng mag-asawa?
“Aba’y oo. Hindi lang sa asawa, sa lahat naman ng bagay, ‘di ba? ‘Pag paulit-ulit nakakaumay. ‘Yung character lang ni Juanita, masyado siyang safe na tao. Ayaw niyang mag-explore ng iba pa. Ayaw niyang lumabas sa comfort zone niya, na feeling niya lahat ng tao ‘yun lang ang gusto. Hindi naman ako ganoon,” pakli niya.
Ano ang pressure kay Juday sa pagsali sa Cinemalaya ngayon?
“Pero siyempre, ang daming..alam naman natin ‘pag sinabing Cinemalaya, labanan ito ng mga baguhan, mahuhusay na mga director, mga talagang gustong magpakita ng talent nila. Pero para hintayin ako ng isang script na ten years ago nanalo sa Palanca parang malaking pressure na ‘yun, una.Pangalawa mahuhusay ang mga artista ang mga katunggali mo, kasama mo si Ms. Nora Aunor, ang dami namin.
“Ang pinakamalaking factor dito, nagawa ko siya ng sapat sa deadline namin. Malaki man ang waistline ko, naihabol ‘yung tahi ko. At least, hindi siya bumuka habang nagbi-breakdown ako, ‘di ba? At saka, naghahanap talaga ako ng isang istorya na puwede kong pagtuunan ng pagod at pansin. At ‘yung worth it ng limang taon na nawala ako sa pinilakang tabing (‘Yung pinaka-madramang pelikula na ginawa niya). ‘Yung ‘Tyanak’ kasi horror , eh,” sambit ba niya.
Tinanong din si Juday kung ang asawa ba niyang si Ryan Agoncillo ang dahilan kaya nauudlot ang balik-tambalan nila ni Piolo Pascual? Mali raw ‘yung espekulasyon ng mga tao na ayaw niyang gumawa ng movie with Piolo dahil sa asawa niya.
”It’s not him, it’s me,” sambit niya sabay tawa.
Ang dream talaga ni Juday ay makatrabaho si Vilma Santos dahil hindi pa raw niya s‘yun nagagawa. Matagal na raw niyang gustong gawin ito pero hindi nabibigyan ng pagkakataon. Pero waiting din siya sa tamang panahon at pagkakataon na magkasama sila ng Star For All Seasons.
TALBOG – Roldan Castro