WALA yatang programa at aktibidad ang hanay ng ating pulisya sa Northern Police District (NPD) at Eastern Police District (EPD) kontra sa illegal na droga at kriminalidad na kasalukuyang pinaiigting ni Pangulong Digong Duterte at ng bagong upong Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ang NPD, nakasasakop sa apat na lungsod na kinabibilangan ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA) ay tila natutulog pa sa pansitan kung ikokompara sa tinatrabaho ng ibang district command gaya ng Central Police District (CPD), Manila Police District (MPD) at Southern Police District (SPD). Maging ang iba pang regional command sa Visaya at Mindanao ay may ipinakikitang pruweba kompara sa mga naunang nabanggit.
Tulog din yata ang pulisya ng EPD at parang naghihilik pa?
Ang mga nasasakupan naman nilang mga siyudad ay San Juan, Pasig, Muntinlupa at Pateros.
Wala rin galaw at aksiyon kung ihahalintulad sa iba tulad ng CPD, MPD at SPD.
Base sa mga naulat sa balita, libong mga tao na umano’y sangkot sa illegal na droga ang boluntaryong nagsi-surrender na.
Bukod dito, marami na ang nasawi sa anila’y shoot-out o nanlaban sa mga isinagawang operasyon ng awtoridad.
Ang mga kaganapang ito ay agad na napansin at naramdaman sa ibang district command at regional command sa buong bansa.
Hindi ito nakita o naramdaman man lang ‘ata sa AOR ng NPD at EPD batay sa mga datos at ulat mula sa iba’t ibang ahensiya ng pulisya partikular ang National Capital Region Police Office (NCRPO).
E talamak ang ilegal na droga sa mga nasasakupan ng NPD at EPD ‘di ba?
Hindi kaya, hindi lang mahilig sa publicity ang liderato ng nasabing mga district command?
Pero ngayon ay labis na inaasahan nang marami ang malaking pagbabago sa NPD dahil sa bagong hirang na hepe nito sa katauhan ni Chief Superintendent Roberto Fajardo, District Director. Ganoon din kay Chief Superintendent Romulo Sapitula ang bagong District Director ng EPD.
Aasahan natin ang bagong mukha ng NPD at EPD!
***
Binabati natin si P/Senior Superintendent Joel Napoleon Coronel bilang bagong District Director ng Manila Police District (MPD).
Si Coronel ay isang antigong pulis na nanilbihan pa noong panahon ni Mayor Alfredo Lim bilang Deputy Director ng MPD. Pinalitan niya si GEN. Rolando Nana sa nasabing posisyon.
Good Luck at Mabuhay ka Sir!
***
Sumasaludo rin kami sa bagong PNP-NCRPO Chief General Oscar Abuyalde na humalili kay Gen. Joel Pagdilao kamakailan.
YANIG – Bong Ramos