KULANG ang France dahil paparating pa lang si NBA player Nicolas Batum pero paniguradong dehado pa rin ang Gilas Pilipinas sa salpukan nila ngayong gabi sa simula ng 2016 International Basketball Federation Olympic Qualifying Tournament sa SM MOA Arena sa Pasay City.
Nasa Group B ang Philippine Team at France na pinamumunuan ni San Antonio Spurs star point guard Tony Parker. Makikilatis ang tikas ng Pinoy mamayang alas-nuwebe ng gabi pagkatapos ng 6:30 p.m. match sa pagitan ng Turkey at Canada.
Kasama ng Gilas at France sa Group B ang New Zealand ang teams na nasa Group A ay Turkey, Canada at Senegal.
Ayon kay NBA veteran Parker, huling hirit na niya para maglaro sa national team ng France kaya paniguradong ibubuhos nito ang lahat para makasama ang kanyang bansa na maglalaro sa Rio Olympics.
Dalawang games hindi maglalaro si Batum at sa kanyang pagdating ay sa susunod na stage na ito hahataw.
Naantala ang pagdating ni Batum dahil katatapos lang niyang makipagnegosasyon sa Charlotte Hornets.
Susunod na makakalaban ng Pilipinas ang New Zealand bukas din ng 9 p.m.
Ang komposisyon ng Gilas Pilipinas ay sina Andray Blatche, Jayson Castro, Terrence Romeo, JunMar Fajardo, Marc Pingris, Gabe Norwood, Jeff Chan, Bobby Ray Parks Jr., Japeth Aguilar, Ranidel De Ocampo, Troy Rosario at Ryan Reyes.