ni MARICRIS VALDEZ
MAKATULONG sa mga kapwa artista, influencer. Ito ang unang layunin ni Dianne Medina kaya itinayo niya ang DM Studios na naitayo sa pamamagitan ng sipag at tiyaga.
Ibinahagi ng TV host-content creator at live seller na si Dianne na childhood dream talaga niya ang maging Chief Executive Officer o CEO ng sarili niyang kompanya.
At hindi naman siya nabigo sa pangarap na iyon dahil noong Sabado, March 21 inilunsad ang DM Studios (Dianne Medina Studios) na pag-aari niya.
Kasama ni Dianne sa kompanya ang asawang si Rodjun Cruz bilang Vice President for Marketing at PR at ang pinsang beauty queen na si Maxine Medina na siyang VP for Sales.
Ayon kay Dianne, ang DM Studios ay, “It’s a live-selling agency, a live commerce platform where in we help brands, audiences and of course celebrity influencers also. So basically, we mount live streams into high converting live selling.”
Hindi lamang si Dianne ang nagla-live selling, maging ang asawang si Rodjun ito rin ang ginagawa.
Aminado si Rodjun na hindi madaling trabaho ang pagla-live selling dahil kailangang gamitin niya ang charm niya sa mga manonood para bumili ng produktong ibinebenta niya.
Nilinaw din niyang hindi totoong nagla-live selling siya dahil wala siyang project o career bilang artista.
“Proud live seller po ako kasi hard work po ‘yan, eh, marangal na trabaho. And hindi totoo na ‘pag nagla-live ka, wala ka nang trabaho, laos ka na, hindi po.
“May mga project pa po tayo. Kaka-champion lang po natin sa ‘Stars on the Floor,’ may serye po tayong ginagawa and proud po ako rito kasi po ‘yung team namin, lahat po ‘yan, nagwo-work for their families.
“Nakatutulong din kami sa brands, gayundin sa mga tao. At saka hindi biro ang live selling ha? Akala niyong iba, madali lang ‘yan. Hindi po, hard work talaga ‘yan at saka dedication.”
Sa kasalukuyan may 15 personalidad na silang nasa ilalim ng management ng DM Studios.
Idinagdag pa ni Dianne na maraming celebrities ang interesadong sumali sa kanilang ahensiya. Ilan sa mga ito ay sina Rayver Cruz, Julie Anne San Jose, Tuesday Vargas, Carla Abellana, EA de Guzman, Shaira Diaz, influencer tulad ni Simon. Nagpahayag din ng intensiyon na sumali ang iba pa nilang kaibigang sina Polo Ravales, Pancho Magno, Zeus Collins, Dasuri Choi at marami pang iba.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com