PADAYON
ni Teddy Brul
HABANG papalapit ang panahon ng Kuwaresma—isang yugto ng pagninilay, pagsisisi, at pagbabalik-loob—muling nabubuhay ang mahahalagang tanong tungkol sa tunay na diwa ng pananampalataya sa gitna ng isang magulong mundo.
Sa kasalukuyang sigalot sa tambalang US-Israel laban sa Iran at sa nagpapatuloy na krisis sa Palestina, kapansin-pansin ang paghahati maging sa hanay ng mga Kristiyano.


SAMA-SAMANG nanalangin ang mga deboto at binaybay ang Stations of the Cross sa National Shrine of St. Therese the Child Jesus sa Marcos Highway, Antipolo City. (TEDDY BRUL)
May ilan na agad kumakapit sa paniniwalang ang modernong estado ng Israel ay dapat suportahan nang walang pag-aalinlangan. Ngunit may mga tinig din, tulad ni Joebert Padata, isang Christian Ambassador na taga-Cebu, na nananawagan ng mas malalim na pag-unawa at masusing pagsusuri.
Ang ganitong panawagan ay hindi lamang usaping politikal—ito ay usaping moral at espirituwal.
Lalong tumitindi ang diskurso matapos ang naging pahayag ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, na binigyang-diin ang kahalagahan ng lakas at kapangyarihan sa panahon ng digmaan, kahit pa mangahulugan ito na ang “mabuti” ay maaaring manaig lamang kung ito’y sapat na makapangyarihan. Para sa ilan, ito ay realistiko; para sa iba, ito ay tahasang pagtalikod sa diwa ng Ebanghelyo.


Ang National Shrine of St. Thérèse of the Child Jesus sa Marcos Highway, Antipolo City. – caption sa photobsa gitna
Ngunit sa puso ng Kuwaresma ay isang mensaheng tila taliwas sa ganitong pananaw.
Ang kuwento ni Kristo ay hindi kuwento ng pananakop, kundi ng sakripisyo. Hindi ito kuwento ng lakas ayon sa pamantayan ng mundo, kundi ng kababaang-loob at pag-ibig—even unto death. Sa mata ng marami, ito ay kahinaan. Ngunit sa pananampalatayang Kristiyano, ito ang pinakadakilang kapangyarihan.
Sa ganitong konteksto, mahalagang itanong: Ano ba ang pinaninindigan ng isang Kristiyano? Ang lakas ba ng estado at kapangyarihan ng armas, o ang katotohanan at sakripisyong ipinamalas sa krus?
Ang Kuwaresma ay paalala na ang tunay na tagumpay ay hindi laging nasusukat sa panalo ng digmaan, kundi sa katapatan sa pananampalataya—kahit pa ito’y tila taliwas sa agos ng mundo.
Sa huli, malinaw ang paalala ng Ebanghelyo: nang dakpin si Kristo, hindi Siya lumaban. Sa halip, pinigil Niya si Pedro na gumamit ng dahas—isang tahimik ngunit makapangyarihang pagtanggi sa lohika ng karahasan.
Kung gayon, sa panahong ang mundo ay sumisigaw para sa lakas at paghihiganti, ang tanong sa bawat Kristiyano ay hindi kung sino ang mas makapangyarihan—kundi kung sino ang tunay na sumusunod kay Kristo.
Sapagkat ang pananampalatayang ipinako sa krus ay hindi kailanman naging panawagan sa dahas, kundi isang radikal na paanyaya sa katotohanan, sakripisyo, at pag-ibig—kahit sa gitna ng digmaan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com