GOLD COAST — Nagningning ang beteranang sina Angela Beard at Jacklyn Sawicki sa ikalawang bahagi ng laban upang ihatid ang Philippine women’s national football team sa isang makasaysayang panalo kontra Uzbekistan sa gitna ng maulang Huwebes ng hapon.
Agad na umarangkada si Beard, isang Fil-Australian standout, matapos maipasok ang isang long cross mula kay Jael Guy sa ika-47 minuto—ang unang goal ng Filipinas sa play-ins ng 2026 AFC Women’s Asian Cup na ginanap sa Cbus Super Stadium sa Robina.
Hindi nagtagal, muling nagpakitang-gilas si Guy nang ihain ang isa pang cross sa kaliwa na sinalubong ni Sawicki sa kanang bahagi. Sa kanyang malinis na volley sa ika-52 minuto, nadoble ang kalamangan ng Pilipinas.
Suportado ang kampanya ng Filipinas ng Philippine Sports Commission at Philippine Football Federation.
Sa panalong ito, nakamit ng Pilipinas ang ikalawang pagkakataon nitong makapasok sa FIFA Women’s World Cup matapos ang debut nito noong 2023.
Nakalinya na ngayon ang Filipinas sa hanay ng mga kwalipikadong koponan gaya ng Japan, Australia, China, Chinese-Taipei, at South Korea.
Itinuturing itong isang milestone win para sa bansa, lalo’t nanalo ang Uzbekistan—tinaguriang White Wolves—sa tatlo sa huling apat nilang paghaharap kontra Filipinas mula 1997. Ang kanilang huling pagtatagpo noong Oktubre sa Rizal Memorial Stadium ay nagtapos sa 2-2 tabla.
Ang goal ni Beard, 28, ay bunga ng kanyang ikatlong tangka matapos mabigo sa naunang mga pagsubok sa huling minuto ng first half.
Sa ika-38 minuto, sinubukan ni Guy na i-setup si Beard sa pamamagitan ng volley, ngunit maagap ang goalkeeper na si Maftuna Jonimqulova upang maagaw ang bola. (PSC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com