MATABIL
ni John Fontanilla
MASAYA at nagulat ang action star na si Jeric Raval nang malamang nominado bilang Best Supporting Actor sa FAMAS para sa mahusay na pagganap sa pelikulang tungkol sa buhay ni Nunungan Lanao Del Norte Mayor Marcos Mamay, ang MAMAY: A Journey to Greatness na idinirehe ni Neil Buboy Tan.
“Noong makalawa ko nalaman na nominado ako kasi ilang taon na akong artista ngayon lang ako na-nominate. So, happy naman ako at napili ako ng FAMAS, sana manalo ako,” ani Jeric.
Naging palaisipan din kay Jeric na sa Best Supporting Actor siya na-nominate gayong siya ang lead actor ng pelikula.
“Natanong ko rin ‘yan. Tinanong ko rin sila (Mayor Mamay), kasi marami kaming artista riyan na gumanap na Mayor Mamay, mayroong batang Jeric tapos may isa pang Jeric. So ‘yun, pero okey na rin nagpapasalamat ako nominated akong best supporting.
“Kanina nga sinabi ko sa anak ko na siguro next time best actor naman,” nakangiting biro ni Jeric.
Ayon pa kay Jeric nakakadagdag pogi points, respeto, at nakakalaki ng pagiging artista kapag na-nominate ka sa mga award giving bodies.
“’Yung respeto rin sa iyo nadaragdagan. Importante talaga ‘yun.”
Siyam pa ang nakuhang nominasyon ng kanilang pelikula tulad ng Best Picture, Best Actress (Ara Mina), Best Director (Neal Buboy Tan), Best Screenplay, Best Production Design, Best Cinematography, Best Musical Score, Best Sound, at Best Song.
Gaganapin ang pagbibigay parangal sa August 22 sa Manila Hotel.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com