MATAGUMPAY na naisagawa ng mga awtoridad ang dalawang magkahiwalay na buybust operations sa mga lalalawigan ng Bulacan at Pampanga, nitong Sabado, 24 Mayo.
Nadakip sa mga operasyon ang dalawang drug personalities at nasamsam ang hindi bababa sa P1.3-milyong halaga ng hinihinalang shabu at isang baril.
Sa Brgy, Panginay, Guiguinto, Bulacan, dinakip dakong 1:45 ng madaling araw kamakalawa ang suspek na kinilalang si alyas “Anok,” 44- anyos, residente ng naturang barangay.
Kanilang ang naarestong suspek sa unified drug watchlist ng PDEA at nakumpiska mula sa kaniya ang 96.42 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalagang P655,600; isang kalibre .38 na baril na may serial number 9326401 at kargado ng tatlong bala; at ang buybust money.
Samantala, dakong 10:00 ng gabi sa Brgy. Bancal, Guagua, Pampanga, isinagawa ng Regional Police Drug Enforcement Unit 3 (RPDEU3), katuwang ang Guagua MPS, ang isang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa high-value individual (HVI) na kinilalang si alyas “Bert,” 40 anyos.
Nasamsam mula sa suspek ang 100 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang nagkakahalaga ng P680,000; limang piraso ng tig-₱1,000 marked money; at isang digital weighing scale.
Inihahanda na ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa dalawang suspek samantalang si alyas “Anok” ay mahaharap din sa karagdagang kaso sa ilalim ng RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kaugnay ng Omnibus Election Code.
Binigyang-diin ni P/BGen. Jean Fajardo, regional director ng Police Regional Office 3, ang kahalagahan ng walang humpay na aksyon ng PNP sa pagsuporta sa anti-drug campaign ng administrasyon. (MICKA BAUTISTA)