Sa Sta. Maria, Bulacan
Campaign manager ng kakandidatong kapitan patay sa riding-in tandem
HINDI nailigtas ang buhay ang isang dating kawani ng barangay nang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang papauwi sa kanilang bahay sa Barangay Poblacion, sa bayan ng Sta. Maria, lalawigan ng Bulacan, nitong Huwebes ng madaling araw, 30 Hulyo.
Kinilala ang biktimang si Gelo Enriquez, dating barangay secretary at ngayon ay tumatayong campaign manager ni Kagawad Ruby Anyhaw.
Ayon kay Anyhaw, si Enriquez ay binaril sa harap ng kanilang bahay sa Tanaga St., Brgy. Poblacion dakong 2:00 ng madaling araw kahapon.
Si Enriquez ay dating barangay secretary sa Barangay Poblacion bago nag-resign para maging political strategist at campaign manager ni Anyhaw na tatakbong barangay captain ng Poblacion sa darating na Nobyembre.
Nabatid na galing sa kanilang headquarters si Enriquez nang barilin ng mga nakamotorsiklong suspek malapit sa kanilang bahay.
Naisugod ng mga nagrespondeng residente ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan ngunit namatay kinalaunan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Sta. Maria MPS upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at kung ano ang motibo sa krimen. (MICKA BAUTISTA)