Dayuhan todas sa saksak sa Silang
PATAY ang isang dayuhan matapos ang insidente ng pananaksak sa Barangay Iba, sa bayan ng Silang, lalawigan ng Cavite, nitong Miyerkoles, 29 Hulyo.
Sa ulat mula sa Cavite PPO, nakatanggap ang Silang MPS ng tawag kaugnay ng isang lalaking nakahandusay sa kalsada, tadtad ng saksak sa katawan, at naliligo sa sariling dugo.
Naabutan ng mga nagrespondeng pulis ang biktima sa tabi ng isang SUV na nahulog sa kanal ang kaliwang gulong sa harapan.
Bagaman nadala sa pagamutan ang biktima, idineklara siyang dead on arrival ng mga doktor.
Ayon sa isang saksi, nakita niya ang tatlong hindi kilalang lalaki na sumakay sa tricycle at tumakas sa hindi tukoy na direksiyon.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at para matunton ang mga suspek.
Nakikipag-ugnayan ang pulisya sa Bureau of Immigration (BI) at ilang mga embahada upang matukoy ang nasyonalidad ng biktimang dayuhan.