FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
GANADO si Yorme Isko Moreno sa plano niyang magbalik-alkalde sa Maynila at kahanga-hanga ang dinagsang pagtitipon para sa kanya sa Ninoy Aquino Stadium kamakailan.
“Lilinisin natin ulit ang Maynila. Maliligo ulit,” sabi niya. “Lima singko na naman ang mga tolongges…” Bitaw niya sa ilan lang sa mga tumatak nang linyahan niya na umakit ng suporta ng mga botante: tutukan ang paglilinis sa lungsod mula sa lahat ng basura at problemang panlipunan.
Pero, mag-reality check muna tayo – isang bagay na umaasa ang Firing Line na makakarating sa kanya: Yorme, tingin-tingin muna sa sarili mong bakuran. Ang siste, may ilang tao mula sa grupo mo ang kumikita sa mga imbitasyon para maging tagapagsalita ka sa harap ng eksklusibong audience.
In short, mukhang may tolongges sa campaign team mo, sir. Kailan lang, isang grupo ng mga socio-civic volunteers ang gusto kang kunin bilang kanilang keynote speaker pero sinabihan ng isang rainbow-colored member ng iyong grupo ang kanilang emisaryo — gamit ang sarili mong lingo — na kailangan munang asikasuhin si “Eddie” bago ang lahat.
Totoong ang grupong ito, na idinaos ang kanilang event sa Binondo, ay kilalang mga may pera, pero ang gayong mungkahi mula sa isang kasapi ng iyong grupo ay tiyak na makaaapekto nang negatibo sa ‘yo – lalo na kapag nahalal kang muli pabalik sa City Hall.
Dapat na nanunuyo ng mga botante ang mga kandidato, hindi iyong nagbabayad sila para lang mapakinggan. Kung totoo man ito, nangangamoy itong politikong ‘dugyot’ na dati nang sinabi ni Yorme Isko na pinakaayaw niya. Panahon nang maglinis — pero simulan dapat sa sarili niyang grupo.
Desisyon ni Dizon
Ang pagbibitiw sa tungkulin ni Jaime Bautista bilang kalihim ng Department of Transportation (DOTr) ay isang malaking sorpresa, gayondin ang biglaang pagpapangalan kay Vince Dizon, dating COVID-19 testing czar, bilang kapalit niya. Sa isang punto, para bang — sa kawalan na rin ng mas akmang salita — ito ay planado ng administrasyon.
Kung bakit, maraming espekulasyon. Wala akong planong isa-isahin ang mga ito sa ngayon.
Pero agaw-pansin para sa kolum na ito ang isa sa mga unang polisiyang ipinatupad ni Dizon pagkaupong-pagkaupo niya sa puwesto: ang suspendihin ang planong “cashless only” na mga transaksiyon sa mga tollway systems sa bansa.
Para sa akin, mistulang kakatwa at negatibo na ang napiling estratehiya ni Dizon sa kanyang “oplan pakilala” ay ang pigilan ang isang modernong sistema na ilang taon nang pinaghandaan. Ang pagpapatupad ng cashless toll collection ay layuning maiwasan ang mahabang pila sa tollways at gawing makabago ang ating sistema.
Ngayon, ipinahinto niya ito, dahil lang sa aniya’y pagiging “anti-poor” umano. Hindi ko alam kung kaninong katalinohan ang sinusubukan sa punto niyang ito dahil karamihan sa mga gumagamit ng tollway ay mga may-ari ng pribadong sasakyan. Sila ba ang tinutukoy niyang mahirap?
Hindi naman natin pinag-uusapan ang mga pasaherong naghihimutok sa taas-pasahe sa jeepney. At magpakatotoo na tayo — 97 porsiyento ng mga gumagamit ng tollway ay mayroon nang RFID. ‘Yung natitirang 3%? Hindi sila naghihirap. Maipilit lang talaga ang gusto nila. Nagbababad at nakasisikip sila sa pila dahil ayaw nilang mag-adapt sa pagbabago, at ngayon pahirapan na tayong lahat sa problemang ito.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).