FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
ANG mga usapan tungkol sa inaasal, maikokonsiderang disente, pagkakasakit, at karahasan kaugnay ng seksuwalidad ay laging komplikado. Kahit na ang matatanda, na nagtatalakayan sa akademikong antas, ay karaniwang nahaharap sa mga komentaryong pilyo, hindi akma, o nakasasakit ng damdamin.
Wala itong kaibahan sa kinasapitan ng panukalang Comprehensive Sexuality Education (CSE) program. Noong nakaraang linggo, nagbunsod ito ng panibagong debate makaraang purihin ng mga advocate nito, kabilang si Sen. Risa Hontiveros, ang CSE bilang solusyon ng sektor ng edukasyon sa maagang pagbubuntis, pang-aabusong seksuwal, at karahasan sa mga dalagita.
Pero hindi lahat ay masaya at pareho ng opinyon tungkol sa programa. Sa katunayan, nagpahayag ng seryosong pagkabahala sa usapin ng kultura at moralidad ang National Coalition for the Family and the Constitution (NCFC) sa pagpapatupad ng programa.
Huwag nating kalilimutan na tayo ay nabubuhay at humihinga sa isang bansa na ang mga kaugalian ay matatag na nakaugat sa mga aral ng Katolisismo, Kristiyanismo, at Islam. Kompara sa mga kanluranin, ang mga pamilyang Filipino ay nananatiling konserbatibo sa maraming paraan.
Kaya naman natural lamang na pagdebatehan nito ang isang makatwirang tanong: Bakit ang isang sistemang pang-edukasyon, na nakatuon sa paglilinang ng kahusayang pang-akademiko at pagpapabuti ng pagkatao, ay tumatalakay sa mga paksang humahamon sa mga tradisyonal na halagahang pampamilya sa napakamurang edad?
Ang mga bumabatikos sa programa, pumanig sa petisyong inihain ng Project Dalisay ng grupo, iginigiit na inilalagay ng CSE program sa alanganin ang kapangyarihan ng mga magulang na magdisiplina, iminumulat ang mga bata sa mga temang seksuwalidad, at nagsusulong ng mga ideya tungkol sa gender identity at sexual orientation na taliwas sa ating constitutional values.
Hindi natitinag si Hontiveros, siyempre pa — sa panig ng mga may temang liberal, isang bagay na hindi pa rin pinapaboran ng maraming pamilyang Filipino hanggang ngayon. Bagamat kinikilala ko ang punto sa aspektong estadistika at pagwawasto na iginigiit ng mabuting senador, hindi maunawaan ng marami ang magiting niyang pagtatanggol sa programa — lalo na nang inakusahan niya ang grupo ng misinformation o hindi sinasadyang pang-aapak sa mga sagradong opinyon na nakabatay sa paniniwalang kultural at relihiyoso.
Aminin na natin, totoong may pangangailangan na magbago, pero ang paglalantad sa mga bata sa mga konseptong tulad ng pagkakaiba-iba ng seksuwalidad at pagpipigil na magbuntis sa napakamurang edad ay masasabing masyado nang radikal. Hindi ito tailor-fit para sa lahat ng batang nasa elementarya at sa mga pamilya at mga komunidad na kanilang kinabibilangan.
Gusto ko naman ang approach ni Education Secretary Sonny Angara, na ang pagtugon ay mas nakare-relate sa karamihan ng publiko. Malinaw na kinikilala niya ang problema ng teenage pregnancy at ang kahalagahan na magkaroon ang kabataan ng tamang kaalaman tungkol dito.
Pero inamin din ng kalihim na kailangang maging balanse, may pagtutulungan, at naisasaalang-alang ang kultura sa pagtugon sa problema. Ang pagiging bukas niya sa mga mungkahi at ang pagtuon niya sa importansiya ng parental involvement ay nagpapakita ng estilong pumapabor sa pagkakaroon ng dayalogo kaysa hindi pagkakasundo.
Kung ang maagang pagbubuntis ang pangunahing isyu, ang solusyon ay dapat na nakatutok sa pinakaugat ng problema, na kadalasang sanhi ng mismong nakamulatan sa pamilya at ng impluwensiya ng kinabibilangang lipunan, hindi lang ng kawalan ng kaalaman tungkol sa sexual education.
Ibig kong sabihin, pare-pareho ba tayong sumasang-ayon na ang isang buong klase — na karamihan ay inosente, mababait, o sadyang hindi pa iminumulat ng pamilya sa mga ganitong usapan — ay dapat na aralin ang isang educational material na maaaring maagang maglantad sa kanila sa mga konseptong seksuwal?
Hindi ba mas tamang pagtuunan ng programa ang mga nasa mas mataas na grade levels at siguruhing ang mga aralin ay naaakma sa edad ng estudyante? Salamat sa Diyos at mayroon tayong MTRCB na nagtatakda ng mga kategorya para sa bawat content na naaakma sa edad ng manonood.
Dapat magpatupad ng parehong gatekeeping approach para sa CSE, tiyaking ang mga aralin ay nakabatay sa maturity at moral sensibilities ng mga estudyante. Pupuwede itong maging elective at isagawa nang nakokonsulta ang pahintulot ng mga magulang, kaysa apurahin ang maling generalization na ang lahat ng nasa klase ay delikadong mabuntis o makabuntis kung hindi nila aaralin ang tungkol sa pakikipagtalik.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).