HATAWAN
ni Ed de Leon
TAMA ang sinabi ni Judy Ann Santos, na para sa kanya mas mahalaga ang kumita ang kanyang mga pelikula kaysa manalo siya ng awards.
Manalo ka man ng lahat ng awards maski sa six, hindi lang five continents, kung ang pelikula mo naman ay tinatanggihan ng sineahn dahil nalulugi lang sila, wala rin. Magagaya ka na lang sa mga artistang tumanda na, nalaos, nagmukhang hukluban at ang mga pelikula, tatlo o apat na taon nang tapos hindi pa rin maipalabas. Hindi ba nangyari na iyan sa MMFF pa, na mas ginusto ng 15 sinehan na magsara na lang dahil walang nanonood kaya napilitan ang festival committee na bigyan sila ng ibang pelikula, kahit na nga sa rules ay hindi puwedeng magpalit ng pelikula hanggang walang dalawang araw.
Maraming pelikula ang kailangan ng additional theaters, hindi mo rin naman maaaring pabayaang malugi ng ganoon na lamang ang sinehan, kaya gagawa ka ng remedyo.
Lalo na nga at nasa panahon tayo na may slump pa sa pelikulang Filipino, maraming hindi kumikita kasi nadala ang mga tao sa mga pelikulang pito-pito at indie. Iyang panonood kasi ng sine, talagang luho na lang ngayon, isipin mo iyong halos P400 na bayad sa sine ng isang tao lamang. Ilang kilong bigas na ang mabibili niyon. Mahigit isang kilong baboy na rin iyon. Mga dalawang killong galunggong o tilapia na iyon. Sobra pa sa pagkain maghapon ng isang pamilya. Tapos ipapanood mo lang ng sine na pagkatapos kahit pambili ng banana cue ay wala ka? Kaya kung gagawa ng pelikula, kailangang isipin muna kikita ba iyan, o pagkatapos ay magtatago na ang producer dahil sa dami niyang babayarang theater guarantee?
Sabihin mo mang posibleng manalo ng award, kung apat na taong tapos ang pelikula mo wala pang makuhang sinehan, iyon ang award. Sabihin mo mang nanalo ka sa five continents, may kinita ka ba roon? Hindi ba gastos lang iyon at masasabing kapritso lang ng mga baguhang direktor na gustong masabing nakasali sila sa festival sa abroad? Talaga bang nakatutulong iyon? Eh si Jacklyn Jose nga magaling talagang akltres, at nag-iisang Filipino na naging best actress sa Cannes. Matapos bang manalo sa Cannes naging in demand siya bilang aktres? Iyong si Dante Mendoza, naging best director sa Cannes, pero pagkatapos ba niyon may namuhunan para pagawin siya ng isang malaking pelikula? Nailabas ba sa mga sinehan ang nanalo niyang pelikula? Kumita ba? Eh ‘di lalo na kung sasabihing nanalo ka sa five continents na hindi naman nila masabi kung saan iyon? Hindi kasali ang Antartica, dahil walang tao roon at walang sinehan doon. Sa anim na continents na natitira saan doon ang lima?
Tama ang diskarte ngayon ni Juday, naranasan na naman niya iyan eh. Gumawa na siya ng ganyan. Namuhunan pa siya, hindi ba nalugi lang naman? Ano nga bang ;
pelikula iyong lintik na iyon, flop kasi kaya hindi na namin maalala.
Ngayon ang issue naman ay iyong sinasabing Santos-Santos movie dapat hindi na naman natuloy. Hindi totoo iyong tinanggihan iyon ni Vilma Santos dahil ,
lalabas lang siyang supporting actress ni Juday. Ang totoo, hindi nga alam ni Ate Vi nang gumawa ng annoucement si direk Chito Rono, nagtatanungan pa nga kami, saan gagawin iyan, sa Star Cinemaba? Ang sagot ni Ate VI, “hindi ko alam wala pa akong nakakausap na ganyan.”
Pero sinabi naman niyang ok lang sa kanya na makatrabaho naman si Juday. In fact, noon pa nga sila dapat na nagkatrabaho. Pero may nagsasabi na tinatanggihan ng manager noon ni Juday na si Alfie Lorenzo dahil nagalit siya kay Vilma. Pero hindi ganoon ang kuwento sa amin ni Alfie. Gusto lang niyang bigyan ng proteksiyon si Juday na ang tingin niya noon ay napakabata pa, kulang pa sa karanasan kaya “lalamunin lang siya ng buong-buo kung isasabak mo siya kay Vilma.”
Ngayon naman hindi pa talaga tinatangap iyon ni ate Vi at noon talaga wala naman siyang balak na gumawa pa ng pelikula para sa festival. Sinasabi nga niya ayaw niya ng pressure sa trabaho. Kasi alam niya na kung tatanggap siya ng isang festival movie, mamadaliin ang trabaho. Noon naman parang alam na niya na hindi niya maaaring tanggihan ang kahilingan ng mga Batangueno na magbalik siya sa Kapitolyo.
Ang nangyari naman sa Mentorque, nakausap siya. Sinunod lahat ng sinabi niya, tapos nalaman na lang niya na sumagot na rin pala sina Aga Muhlach at Nadine Lustre na siya niyang makakasama sa pelikula, wala na siyang choice kundi gawin iyon.
Pero maliwanag pa rin, walang pressure, hindi iyan nagmamadali o naghahabol sa festival. Pero lahat ng kasama sa pelikula naniniwala na dapat silang sumali sa festival. Masayang ginawa nila ang trabaho nila, habang may shooting pa ng pelikula, may gumagawa na rin ng post production at suwerte rin naman na nag-extend ng deadline ang MMFF para hintayin kung may iba pang pelikulang makakasali. Umabot iyong Uninvited. Kahit na ang ipinadala nila sa screening committee ay rough cuts pa, nagustuhan nila ang kuwento at ang pagkakagawa, commercially viable talaga lalo na at napakalaki ng cast ng pelikula. Bukod doon, bago siya nagsimnula ay nakipag-usap naman siya sa producer niyong isang pelikula, sinabi niyang nakatanggap siya ng pelikulang una niyang gagawin, pero hindi naman sinabing panlaban sa festival. At sinabi raw naman ng mga iyon na sige gawin niya kaya walang problema.
Bakit naman tatanggihan ni Ate Vi ang Uninvited? Una, sa kanya nga nanggaling ang idea ng kuwento niyon. Ikalawa, puro malalaking artista ang kasama niya, na karamihan ay puro award winners ding gaya niya. Maski na iyong nasa mga supporting roles lang ay malalaking artista na nagiging bida rin naman sa pelikula pero payag na sumuporta kay Ate Vi.
Bago ang producers pero nakagawa na ng pelikulang kumita at nanalo ng awards. Isa pa, distributor nila ang Warner Brothers na isang major American film company, Kaya ang worldwide distribution ng pelikula ay posible. Hindi ba mas magandang pakinggan na ang pelikula mo ay naipalabas at nagkaroon ng theatrical distribution sa five continents? Malaking bagay iyon ha, lalo na nga’t may mga pelikula ngayon sa mga micro cinema na nga lang napu-pull out pa.
Siguro naman magkakasama rin sina Ate Vi at Juday sa isang pelikula, sabi nga ni Lola Nidora, “pagdating ng tamang panaho.”