HATAWAN
ni Ed de Leon
NAPAKA-FORMAL ng media launching ng pelikulang Uninvited. Bagama’t gaya ng inaasahan, mayroon pa ring hindi marunong sumunod sa dress code. Pero mag-aalangan ka namang hindi sumunod dahil ginanap iyon sa grand ballroom ng Solaire North at bago ang launching habang naghihintay pa ng oras, mayroon isang cocktail gathering sa isang function room na nagsilbing holding area, na may tumutugtog pang isang banda.
Ngayon lang din kami ulit nakakita ng ganoon karaming tao sa isang media launching. Alam naman ninyo ang mga press confences ngayon, parang iyon lang mga pocket presscons namin noong araw na ilan lang ang invited. Kasi nga ang inaasahan nila ay mga blogger na may lumabas lamang na isa magkokopyahan na ang iba kaya marami ka na ring makikita. Iyon naman ang dahilan kung bakit bagsak ang mga pelikula, kasi hindi naman lahat umaasa sa social media at sa dami ng fake news at mga raket sa social media, wala na halos silang credibility. Tingnan ninyo ang mga content ng mga vlogger, may kapirasong balita pero ang haba ng mga pasakalye, minsan nga pasakalye lang tapos wala naman iyong balita na sinasabi nila.
Noong media launching ng Uninvited, pinagsama-sama nga nila ang lahat kaya isang damukal ang tao, puno ang grand ballroom ng Solaire at lahat ng gustong magtanong ay limited lang sa isang tanong. Sa palagay nga namin marami pang dapat na napag-usapan tungkol sa pelikula, na hindi halos natalakay dahil sa dami ng tao at ang daming mga tanong na hindi naman namin inaasahang masusulat. Isulat mo iyon at tiyak deleted lang iyon sa lalabas.
Marami pang magagandang detalye sana tungkol sa pelikulang iyon ang hindi man lang namin narinig na napag-usapan dahil sa pagkakagulo nga ng napakaraming tao. Kung hindi ganoon karami ang mga tao si Vilma Santos lang tiyak na marami pang masasabi tungkol sa pelikula.
Hindi rin naging maliwanag kung ano ang participation ng Warner Brothers, isang major American film company sa pelikula. Tiyak iyon ang magiging papel ng Warner kung sakali ay may kinalaman sa foreign distribution ng pelikula. Kung hindi ganoon ka-disoganize ang lahat dahil sa dami ng tao, magandang malaman natin kung ano ang balak ng Warner dahil isa iyan sa mga gowl ng inudustriya, kung paano mapalawak ang market ng mga pelikula natin. Ang totoo kaya hindi natin mapalawak ang market ng pelikula ay hindi tayo nakatutugon sa international standards dahil napakaliit ng budget natin sa mga pelikula.
Nasasakripisyo ang kalidad ng pelikula. Hindi mo naman masisi ang mga producer, bakit ka nga naman maglalabas ng malaking puhunan kung hindi ka naman makababawi dahil maliit nga lang ang market ng pelikula, lalo pa ngayong ilang taon na iyang umiiral na slump sa industriya ng pelikulang Filipino. Iyong mga Kano kaya ganoon dahil hawak nila ang international market. Ang pelikula nila ay ipinalalabas sa lubo-libong sinehan sa buong mundo, kaya ganoon man kalaki ang puhunan mababawi nila. Pero para sumugal ka sa ganoon, kailangan kilala at respetado ang mga artista mo. Iyon ang nakikita naming dahilan kung bakit napakalaki ng cast ng Uninvited. Kung hindi pumasok ang Warner diyan, hindi ganyan kalaki ang cast ng pelikula. Kung hindi rin naman dahil kay Vilma, hindi nila makukuha ang lahat ng mga artistang iyon. Sino ang tatanggap ng supporting role kung bida na sila sa pelikula nila? Pero tanggap nila iyon after all, ang bida naman ay si Vilma.
Iyon ang kaibahan ni Ate Vi eh, na-maintain niya ng respeto kahit na ng mga kapwa niya artista.
Iyong katayuan niya bilang isang aktres at kung paano niya hinaharap ang kanyng career ay siyang naging standadards ng iba pang mga artista. Hindi madali iyon, kailangang hindi ka lang matalino, kailangan diyan ang matinding disiplina sa sarili. Magaling ka nga lasengga ka naman, o mas masama kung addict pa, ano ang kalalabasan ng iyong career? Paano mo makukuha ang respeto ng kapwa mo artista?
Sa isang propesyon, hindi sapat na magaling ka lang. Kailangan marunong ka ring magdala ng sarili mo para makuha mo ang respeto ng mga kasama mo. Kahit na magaling ka man kung unprofessional ang attitude mo, irerespeto ka ba ng mga nakakasama mo? Siguro sa harapan oo, pero pagtalikod mo iba na ang tono nila.
Diyan din magsisimulang bumagsak ang career mo at hindi ka na dapat magtaka kung bakit nangyayari ang ganoon,. Wala ka sa ayos eh.
Kung ganyang klase ng pelikula ang ginawa mo, tiyak iyon aasahan ng mga tao na ikaw ang mangingibabaw sa takilya, pero para kay Ate Vi hindi pa rin ganoon. Sinabi naman niyang magpo-promote siya ng kanyang pelikula, pero hindi lamang iyon kundi ng sampung pelikula na kasali sa festival dahil ang talagang hangad niya ay mapabalik ang mga tao sa panonood ng pelikula sa mga sinehan
.
Sabi nga ni Ate VI, nagkataon lang na dalawang magkasunod na taon ngang may pelikula siyang nakapasok sa MMFF. Hindi naman masasabing gagawa siya ng pelikula para sa festival taon-taon. In fact, inamin niyang wala silang intensiyon na ipasok sa festival iyang Uninvited dahil sinabi naman niya na sa simula pa lang ayaw niya ng schedule na may pressure. Kaya lang naging mabilis naman ang trabaho nila dahil kahit sina Aga Muhlach at Nadine Lustre excited din sa pelikula nila. Nagkataon namang nag-extend ang screening committee ng festival ng deadline nila, nakaabot sila sa dealine, pero hindi rin nila inaasahan iyong makapasok, dahil ang nai-submit nilang kopya ng pelikula bagama’t buo na nga, kailangan pang ma-edit ng kaunti. Pero kahit na kailangan pa ngang i-improve, nakapasok na eh.
Kung ganyan nga ang klase ng pelikula at kung ganyan ang pagkakagawa, kahit na siguro anong ngakngak pa ng mga rejected ang pelikula wala na silang magagawa. Kahit na nga hindi festival eh, dalawang taon na ang pelikula nilang iyon hindi makapasok sa kahit na isang maliit na sinehan eh sa festival pa? Hintayin nilang muling magbukas ang Sine Tejeron, o iyong Baron, o kaya iyong sinehan sa Kamuning, baka roon makakuha sila ng playdate.