HATAWAN
ni Ed de Leon
ANG daming kailangang gawin ni Vilma Santos bago matapos ang taong ito. Una nga, kailangan niyang harapin ang promotions ng pelikuka niyang Uninvited na kasali sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Magkakaroon rin siya ng isang retrospective ng kanyang mga pelikula na gagawin sa UST. At maaaring kasabay niyan ang book launching ng isang scholarly book, isang masusing pagtingin sa mga nagawa at sa pagkatao ni Vilma na siyang una sa isang set ng tatlong libro. Mayroon pang isang international award giving body, international ibig sabihin kinikilala ng lahat ng mga bansa at hindi sa five continents lamang, at hindi iyon ibibigay sa kanya dahil siya ay artista. Nominated siya sa nasabing award dahil sa kanyang humanitarian endeavors. Malaking bagay iyan hindi lamang para kay Ate Vi kundi para sa lahat ng mga Filipino para hindi naman basta nababanggit ang Pilipinas ay puro crimes against humanity ang subject, kundi dahil na rin sa mga magandang nagagawa para sa sangkatauhan.
Sinasabi rin ng Aktor PH, ang samahan ng mga artistang Filipino sa pelikula at telebisyon, na nadaragdagan pa ang mga samahan na nagpapahayag ng suporta at pakikiisa sa kanila sa nomination ni Ate Vi bilang isang national artist. Pero hindi naman particular sa ganyan si Ate Vi. Sinasabi nga niya na sa kanya ay hindi mahalaga ang awards, gumagawa siya ng pelikula para sa publiko kaya para sa kanya basta nagugustuhan ng publiko ang kanyang mga pelikula at kumikita naman ang mga iyon, ayos na sa kanya. Dahil nangangahulugan iyon na malakas pa ang suporta ng mga tao sa kanya at kikita naman ang producers ng kanyang pelikula, na ang ibig sabihin, magpapatuloy iyon sa paggawa ng pelikula at uusad ang industriya. Kung manalo ka nga naman ng awards, hindi naman kumikita ang pelikula mo, lugi ang producer mo. Gagawa pa ba iyon ng pelikula? Siyempre hindi na at ang kawawa ang industriya.
Bahagyang matitigil muna ulit sa showbiz si Ate Vi dahil haharapin naman niya ang kampanya, hindi para sa kanyang sarili kundi para sa kanilang partido. Tapos niyan haharapin muna niya ang mga porblema sa kanilang bayan at kung maayos na at saka lang siguro niya mahaharap ang paggawa ng pelikula ulit. Kaya nga sabi ni Ate Vi, siguro raw mga walong buwan ang itatagal niyan bago siya makaharap ulit sa paggawa ng pelikula.
Natural malungkot na naman sa ganyang balita ang mga Vilmanian pero ano nga ba ang magagawa nila eh muling tinawag sa paglilingkod sa bayan ang idolo nila.