Tuesday , November 19 2024
Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

PARA sa isang analyst sa United States, isa ito sa mga dahilan kaya nabigo ang Democrats laban kay Donald Trump sa katatapos na eleksiyon: “an overzealous misuse of the law to punish him.”

Ang siste, ang dating sa mga botante ng sangkatutak na kasong kriminal na inihain laban sa pambatong Republican ay hindi pagnanais na makamit ang hustisya kundi nagmistulang paghihiganti. Dahil dito, nagmukha tuloy biktima si Trump.

Ang mga walang pinapanigan, na nagpapahalaga sa katwiran at pagiging patas, ay maliwanag na nagsawa na sa paggamit sa justice system para sa politikal na interes, kaya pumanig sila kay Trump.

Nakikinita ng Firing Line ang kaparehong senaryo at pinaaalalahanang mag-ingat ang QuadComm ng House of Representatives. Tama naman na panagutan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga kasalanan, pero dapat na hindi maabuso ang mga pagdinig na isinasagawa ng Kamara upang maiwasang mapasobra o maging nakauumay.

Ang pagpuwersa sa isang halos 80-anyos nang dating pangulo na sumalang sa pampublikong imbestigasyon, na umaabot pa nga ng madaling araw, ay delikadong makaapekto sa pagtitimbang ng simpatiya ng publiko, na posibleng pumabor sa kanya.

Importanteng tandaan ng mga kritiko ni Duterte na ang bawat insulto at pagmamalabis sa mga pagdinig na ito ay maaaring makabawas sa kanilang kredibilidad, at sa huli ay baka mabaliktad pa ang mga pangyayari, taliwas sa inaasahan nila.

Ang pagbababad ni Duterte sa mga sesyon — na inaabot ng hanggang 2:00 ng madaling araw, sa kabila ng pagpupumilit ng kanyang anak, si VP Sara Duterte, na umuwi na siya — ay nagpapakitang hindi lang ng kanyang katatagan kundi ng katapangang tumatatak sa publiko. Napabilib lalo ang kanyang mga tagasuporta at ipinagbunyi ito.

Dahil dito, maging ang pinakawalang kuwentang mga komento sa social media ay nagkaroon ng traction, kaya nagmistulang may katwiran. Si Sara na lang, halimbawa, ay tinawag ang kanyang ama na “best dramatic actor” isang pagmamalaki sa hindi natinag na paninindigan nito. Muli, positibo rin ang naging dating nito sa iba, at may mga natuwa.

At bakit, ‘ka n’yo? Dahil ang ilang miyembro ng Quadcomm ay ang parehong mga opisyal na hindi lamang sumang-ayon kundi buong sigasig noon na nakipaglaban para mapondohan ang kontrobersiyal na war on drugs sa administrasyon ni Duterte.

         Kombinyente nila ngayong binabaliktad ang script. Ang mga mambabatas na ito, na todo-puri noon sa mga inisyatibo ng dating pangulo, o kaya naman ay nakinabang ng pabor mula sa kanyang administrasyon, ay bigla na lang ipinipresinta ang kanilang mga sarili bilang mga huwaran ng pananagutan.

Hindi lingid sa publiko ang kabalintunaang ito. Ang mga pagdinig ng QuadComm, na dapat sana ay bulwagan ng paglalantad ng katotohanan, ay delikadong magmukhang teatrong pampolitika, inuudyukan ng pagsasamantala sa oportunidad kaysa tunay na paghahanap ng hustisya.

Huwag nating kalilimutan na ang mga congressional hearings na ito — gaano man ka-propesyonal ang datingan at gaano man nakagugulat ang mga nahahalukay na impormasyon — ay hindi hustisya; isa itong entablado para sa mga oportunistang politiko na nais magpabida sa mga botante o kaya naman ay kumubra ng pabor mula sa kasalukuyang rehimen.

Sakaling ang mga sesyon na ito ay tuluyang maging entablado ng pamamahiya — matagalan, paulit-ulit na pagtatanong na may panaka-nakang pang-iinsulto — maaari itong kaumayan, hindi lamang ng mga loyalista ni Duterte, kundi maging ng mga nag-aalangan pang pumanig, na may pagpapahalaga sa pagiging makatwiran.

Kapag ang hustisya ay nagmukha nang pagtatanghal, nawawalan na ito ng kredibilidad, at ang akusado, kahit pa polarizing na tulad ni Duterte, ay nagmumukha nang biktima.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …