HATAWAN
ni Ed de Leon
NATURAL galit na galit ang mga Vilmanian dahil ang daming naninira kay Vilma Santos. May sinasabing nagsisimula raw ng isang political dynasty at pati iyong anak na hindi naman taga-Batangas pinakandidato pa. Maliwanag na ang sinisiraan ay si Luis Manzano.
Pero si Ate Vi, hindi nababahala. Ang sabi niya unahin muna natin itong Uninvited, tapos at saka na natin pag-usapan iyang politika.
“Ang tagal ko na sa politika, hindi na ko apektado ng ganyan kasi hindi naman pinapansin ng mga tao iyong ganyang mga salita. Alam naman nila kung saan galing iyan. In the end, ang mananaig naman ay kung ano ang nakita nilang nagawa mo, at ang gagawin mo pa. Ano naman ang nagawa ng mga kalaban mo at ano ang kanilang gagawin pa. Matalino na ang mga tao ngayon, hindi sila basta maniniwala sa mga sinasabi lang ng kung sino-sino sa social media.
“Malalaman natin iyan pagharap na naming lahat ng mga tao, iyon naman ang mahalaga eh. Kanino ba nila ibibigay ang kanilang tiwala sa mga naninira o sa nasubukan na nila. Kami 24 na taon ko nang kasama ang mga Batangueno, kilala na nila ako. Alam naman nila kung ano ang nagawa ko at alam ko rin naman kung ano ang gusto pa nilang gawin ko, at iyon naman ang gagawin natin,” sabi ni Ate Vi.
In the meantime, asikasuhin muna ang naiibang thriller na Uninvited. At huwag na kayong mahiyang pumasok sa sine kahit na uninvited ka.