NAKALULUNGKOT namang balita iyong kung kailan pa katatapos lang ng Undas, at nalalapit ang Pasko at saka pa pumanaw ang aktres at mayor na si Maita Sanchez. Mayor siya ng Pagsanjan sa Laguna at asawa ng dating gobernador na si ER Ejercito. Pumanaw si Maita sa edad na 55, napakabata pa, dahil umano sa cancer.
Namatay siya noong Linggo ng madaling araw sa St. Luke’s Hospital sa Quezon City, at ngayon ay nakaburol sa kanilang tahanan sa Pagsanjan. Wala naman siyang naiwang kandidatura dahil ang tumatakbo namang mayor ng Pagsanjan ay si ER, na dati na ring mayor doon.
Kung minsan nakalulungkot talagang isipin na may mga taong nagbigay naman ng mahusay na serbisyo at mahal ng mga tao na maagang namamatay. Mayroon namang sinasabi nilang “dapat mamatay na,” pero nabubuhay pa rin sa kabila ng lahat ng kawalanghiyaang nagawa.
Hindi nagkaroon ng pagkakataong umangat nang husto ang career ni Maita bilang isang aktres dahil maaga rin nga siyang nag-asawa. At noong mag-asawa ay ibinuhos na ang kanyang panahon sa pamilya, hanggang sa sumali na rin nga sa politika. Kung may mga kalamidad, visible agad iyang si Maita noong araw, kaya pala marami ang nagtataka na noong nakaraang bagyo ay hindi siya naririnig, may sakit na pala siya at nasa ospital na.
Ipanalangin na lang natin ang kapayapaan ng kanyang kaluluwa.