HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI naman disappointed ang mga Vilmanian kung hindi man sila nakipag-birthday party kasama ni Vilma Santos kahapon. Alam naman nilang ang nangyari ay isang family gathering lang, tutal naman magkakaroon din sila ng isang malaking fans day para i-drum up ang suporta nila sa Uninvited. At ang usapan isabay na lang doon ang birthday bash nila para kay Ate Vi, para isang schedule na lang.
Alam naman nilang sobrang busy ngayon si Ate Vi dahil hindi pa naman tapos ang relief operations sa Batangas para sa mga biktima ng bagyo at baha. Tapos ngayon ay nagbubuga na naman ng smog ang Taal, at delikado rin iyon kung malalanghap ng mga tao. Kaya nga abala rin sila sa pamamahagi at pagkumbinsi sa mga taong laging gumagamit ng face mask. Hindi rin puwede riyan iyong mga mumurahing face mask na gawang China na ginamit noong pandemic, smog iyan eh. Kailangan susunod iyan sa standards ng N95, kaya huwag gagamit ng gawa ng Intsik.
Kasabay niyan malaki pa ang epekto sa kabuhayan, dahil siyempre tigil ang turismo sa paligid ng Taal. Tigil din muna ang pangingisda sa lawa ng Taal. Maraming kabuhayan ang apektado. At kahit nga wala naman sa puwesto si Ate Vi, hinaharap na niya ang mga problemang iyan.
Mabuti nga si Luis Manzano at nakalalabas pa sa TV, pero pagpasok ng Pebrero sa susunod na taon tigil na rin siya dahil sa kampanya at sa media ban. Hindi gaya ni Ate Vi na abutin man ng media ban, titigil lang ang pagpapalabas ng pelikula niya sa Batangas pero sa ibang lugar puwede. Eh si Luis sa telebisyon eh, kaya kailangang tumigil siya,
Si Ate Vi, hindi pa nga nagkakampanya pero halos iniikot na ang buong probinsiya dahil sa mga isinasagawang relief operations. At sabi nga niya hindi titigil iyan hanggang sa umabot sila sa rehablitation ng mga residente.
“Wala na kaming gagawing kampanya nito, trabaho na lang. Hindi ko naman kasi kailangang sabihin na iboto nila ako. Hindi naman ako kailangang mangako kung ano ang gagawin ko dahil ginagawa ko na nga ngayon eh. Talagang sagarang trabaho na lang muna ako ngayon,” sabi ni Ate Vi.