HATAWAN
ni Ed de Leon
EXTENDED ang submission ng mga pelikula sa Metro Manila Film Festival (MMFF) hanggang noong Lunes, October 7, naihabol ba ang pelikula ni Vilma Santos, iyong Uninvited?
“Honestly hindi ko alam kung ano ba ang balak nila, o kung naihabol pa ba nila. Kasi nga gaya ng sabi ko, artista lang naman ako sa pelikulang iyan, at siyempre pagdating sa mga ganyang bagay, sa playdate, ang producers ang masusunod. Wala naman silang sinabi sa akin. Bukas (Martes) na rin ang announcement ng final 10. Hihintayin ko na lang kung kasali ba kami o hindi.
“Malalaman din natin kung inihabol ba nila o hindi. Pero kung ako ang tatanungin, advantage ko siguro kung hindi nga naihabol dahil tuloy-tuloy naman ang trabaho namin sa pelikulang iyan. Kahit na sinabi kong ayoko ng pressure, na-pressure rin naman ako. Kasi hindi lang naman ang oras ko ang pinag-uusapan. Marami ring trabaho si Aga (Muhlach), tapos may iba pa ring committment si Nadine (Lustre), hindi naman puwedeng ako lang ang masusunod.
“Kung hindi kami umabot, makakapagpahinga pa ako bago sumabak naman ng kampanya sa Batangas. To be honest, hindi naman ako magkakampanya para sa sarili ko, sabi ko nga alam naman ng buong Batangas kung ano ang ginawa ko at kung ano pa magagawa ko. Wala na akong kailangang sabihin. Pero iyong ibang kandidato namin sa partido, iyong dalawang anak ko. Baguhan iyan eh hindi pa sanay kaya kailangan gabayan din. Ang laki ng kaibahan noong kaming dalawa lang ni Ralph (Recto). Kasi si Ralph hindi ko na iniintindi, siya pa ang umaalalay sa akin. Eh ngayon iba eh, bukod sa mga kandidato ng partido dalawang anak ko pa ang aalalayan namin. Hindi ko naman masaway dahil gusto talaga nila.
“At sa totoo lang alam ko kaya nila iyon. Kung makakapahinga ako ng December, pagdating ng February, kayang-kaya ko na iyan. Ang sinasabi ko lang naman habulin sana nila iyong January, dahil basta inabot kami ng February, may media ban na niyan. Kung sa bagay, local elections lang naman ako, kaya hindi puwede iyan ipalabas sa Batangas lang. Sa ibang lugar ok lang iyan. Pero malaking market ang Batangas. Iyong ‘When I Met You in Tokyo’ last year, ang laki ng kinita sa Batangas. Bukod doon magkakaroon ako ng guage sa eleksiyon. Kung maging malaking hit locally, gusto pa rin tayo talaga ng mga tao, dagdag na self confidence iyan. Kung hindi kailangan nating dagdagan ang kampanya natin. Hindi talaga nagkakalayo ang audience ng pelikula at ang pulso ng masa eh. Pero kasi iyan dahil sila rin iyon. Kung ihahabol iyan sa festival, kailangan ako sa promo ng December, tapos simultaneous iyan sa mga sinehan sa Batangas, hindi mo magagawang guage dahil malayo pa sa campaign. Kaya sa akin mas ideal ang January playdate, pero sabi ko nga artista lang naman ako riyan,” sabi ni Ate Vi.
“Ang sinasabi kasi nila, iyong huling sali ni Aga sa festival siya ang top grosser, noon din namang si Nadine siya ang top grosser. Iyon yata ang gustong habulin ng producers namin,” sabi pa niya.
Ano pa ba ang iniisip niya sa ngayon?
“Wala na, dahil awa ng Diyos kumalma naman ang Taal. Pero ready kami ha, nasa shooting ako ng pelikula, naghahanda naman ang staff at sina Luis at Ryan para sa rescue and relief operations kung sakali nga at pumutok ang Taal. Nagulat nga ako dahil noong tanungin ko ready na ang lahat. Mas mabilis pa noong silang dalawa ang nagtrabaho. Kasi kung ako ang nandoon nag-o-observe lang sila. Dahil wala ako, sila na ang gumawa ng natutunan nila sa amin,“ pagmamalaki pa ni Ate Vi.