HATAWAN
ni Ed de Leon
TAMA ang sinabi ni Suzette Doctolero na nakalulungkot din ang pagkawala ng trabaho ng mahigit na 100 pang empleado ng nasarang ABS-CBN.
“Kasamahan pa rin natin sila sa industriya,” sabi ni Doctolero. At ang lalong malungkot, tiyak na may magtatakbuhan sa Kamuning at kung mangyayari iyon mababawasan na naman ang trabaho nila.
Inihayag naman ng Presidente ng ABS-CBN na si Leo Katigbak, na bagama’t hindi nila gustong magbawas ng mga tauhan, kailangan nilang gawin iyon dahil ang ABS-CBN kahit na sinasabi nilang mataas ang ratings ng kanilang mga programang ipinalalabas sa ibang channels ay nalugi ng P2.02-B para sa taong ito lamang.
Ibig sabihin, mataas man ang ratings nila, mahina pa rin ang benta nila kaya lumalabas na lugi sila. Isang magandang halimbawa na nga lang ang kanilang noontime show, iyong It’s Showtime, na sinasabi nilang may pinakamataas na ratings ngayon sa noon time slot. Mas marami silang mga artistang hosts, bukod sa hosts iyon pang mga chuwariwariwap. Nagbabayad pa sila ng blocktime sa apat na television channels bukod pa sa kanilang cable channels. Kaya maliwanag na ang gastos sa show ay ilang doble ng sa kanilang kalaban. Sinasabing panalo sila sa ratings pero talo pa rin.
Kaya tama lang naman sigurong magbawas sila ng binabayarang blocktime kung ayaw nilang malugi, pero kung magbabawas sila ng estasyon, matatalo sila ulit sa ratings. Ano nga ba ang gagawin nila?
Masakit isipin pero kailangang tanggapin na talo talaga sila dahil wala silang prangkisa.