HATAWAN
ni Ed de Leon
TATLUMPU’T ISANG finished films na raw ang naisumite sa Metro Manila Film Festival (MMFF) para mapagpilian sa mga natitira pang slots sa festival. Pero walang tunog kung anong mga pelikula iyon. Kung hindi iyan commercially viable, ewan kung ano ang gagawin nila.
Kung ang mangyayari ay puro low buget indie na naman, bahala sila. Wala kaming naririnig na malaking pelikulang ginagawa nitong mga nakaraang buwan, kaya malamang sa hindi mga indie na naman ang mga pelikulang iyan, which may balolang na naman sa MMFF. Dapat madala na sila. Minsan na silang nangamote nang mapasok sila ng puro indie. Nakahihiya naman na kung kailan 50 years na sila at saka mangamote ulit.
Wala na si Manay Ichu na nakaaalam ng pulso ng masa para pumili ng mga pelikula. Wala na rin si Mother Lily Monteverde na alam kung ano ng mga pelikulang dapat sa festival. Wala na rin si Atty Esperidion Laxa. Kung sa bagay may mga naiwan pa naman. Nariyan pa rin sina Jessie Ejercito, Boots Anson Rodrigo at iba pang haligi ng industriya ng pelikula. Pero kung puro low budget na indie nga ang darating, ano ba ang magagawa nila?
Sana naman may dumating na maaayos na pelikula. Maganda na naman ang festival last year. Huwag na nilang payagang bumagsak pa ulit.