NGAYONG mandato na ng batas na hindi ipagpapatuloy ang paggamit ng mother tongue bilang medium of instruction o wika ng pagtuturo, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na tiyakin ang agaran at epektibong pagpapatupad nito.
Babalik ang wika sa pagtuturo sa Filipino at Ingles, maliban kung may ibang itatakda sa batas. Naaayon ito sa Article XIV, Section 7 ng 1987 Constitution.
Gagamitin ang mga wika ng mga rehiyon bilang auxiliary media of instruction o mga katuwang na wika sa pagtuturo.
Maaari pa rin ipatupad sa mga monolingual classes ang mga prinsipyo ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) na nakasaad sa K to 12 Law. Ang monolingual class ay isang pangkat ng mga mag-aaral na gumagamit ng isang mother tongue at naka-enroll sa isang grade level sa isang school year.
Nakasaad din sa batas ang mga kondisyon para sa epektibong pagpapatupad ng MTB-MLE sa mga monolingual classes: opisyal na ortograpiya na ginawa at inilimbag ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF); opisyal na dokumentadong bokabularyo na inilimbag ng KWF tulad ng glossary, diksiyonaryo, encyclopedia, o thesaurus; panitikan sa wika at kultura tulad ng mga big books, small books, picture stories, o wordless picture books; grammar book; at sapat na bilang ng mga guro sa paaralan na dalubhasa at may training sa pagtuturo ng Mother Tongue.
Sa isang pag-aaral na isinagawa ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2019, 9% lamang sa 16,287 na paaralang na-survey ang nakasunod sa mga kondisyong ito para sa pagpapatupad ng MTB-MLE.
“Malinaw sa naging karanasan ng ating mga mag-aaral at mga guro na hindi naging matagumpay ang pagpapatupad ng mother tongue sa ating mga paaralan. Malinaw din sa ating pag-aaral at pananaliksik na hindi akma ang paggamit ng Mother Tongue kung ang mga mag-aaral sa isang klase ay multilingual. Ngayon, mabibigyan na natin ang mga guro ng kalayaang gumamit ng wikang akma sa pangangailangan at sitwasyon ng mga mag-aaral,” ani Gatchalian.
Binalikan ng mambabatas, sa pagrepaso ng Senate Committee on Basic Education sa pagpapatupad ng MTB-MLE, sa mga kontekstong monolingual lamang ang mga naibahaging pag-aaral sa paggamit ng mother tongue bilang wika sa pagtuturo. Kabilang dito ang mga Lingua Franca (1999-2002) at Lubuagan (1999-2011) studies. (NIÑO ACLAN)