HATAWAN
ni Ed de Leon
TUWANG-TUWA na naman ang mga gumagawa ng pelikulang indie, kasi ang balita may nagbukas na naman na isang micro cinema na puwedeng magpapasok ng 50 tao kada screening. Ok na ok iyan sa mga indie, na kadalasan naman tatlo o apat na tao lang ang nanonood kaya ayaw tanggapin ng mga malalaking sinehan. Aba kung ganoon lang ang manonood at malaki ang sinehan ko, kunsumo pa lang sa koryente ng aircon hindi ko na mababayaran. Eh iyang micro cinema kung walang pumasok para manood eh ‘di isara.
Isipin nga ninyo, iyong isang pelikula ni Nora Aunor, Nora Aunor na iyan ha na kung sabihin nila nag-iisang superstar, best actress in five continents, at national artist pa pero nang ipalabas sa isang micro cinema sa Morato may cancelled screening pa dahil walang nanood. At dalawang araw lang iyon ha. ‘Di lalo na kung hindi pa kilalang artista.
OK iyan kung si Angeli Khang o si AJ Raval. Pero ayaw na raw maghubad ni Angeli, si AJ naman ayaw na ring mag-bold simula noong maging syota ni Aljur Abrenica kaya nga kung sino-sino na lang ang pinaghuhubad nila ngayon eh. At iyon ay naka-internet streaming lang ha. Sino ang dadayo pa sa isang micro cinema para sa isang indie kung ganyan? Sino pa ang babayad manood kung ang mapapanood mo naman ay nakikita mo ring sumasayaw sa mga beerhouse ng live pa, habang nag-iinuman pa kayo? Sino ba ang gagastos pa ng bayad sa sinehan para mamboso eh ang dami sa internet na libre pa?
Maski naman iyong mga male bold star na naghuhubad sa kanilang mga pelikula, nawawala na. Sino ba ang baklang magbabayad para mapanood pa ang mga male bold star na wala rin naman at kung saan-saan lang din galing na mga gay bars at bikini contest. Eh magbukas ka ng internet may makikita kang kagaya ni Titus Low na guwapo, nagpapaboso rin at libre pa?
Kaya iyang mga micro cinema para sa mga indie hindi iyan ang solusyon sa problema. Gumawa sila ng mga may katuturang pelikula, kumuha sila ng mahuhusay na artistang gusto ng tao at kikita sila. Eh ang mga artista nila kundi baguhang walang name at walang karapatan, mga laos naman, sino ba ang magbabayad para mapanood pa iyan? Mga artistang mas mukha pang hukluban sa lola ninyo? Unless gumawa kayo ng micro cinema para sa tatlong tao lamang, pero paano kayo kikita at mababawi ang puhunan ninyo?
Iyang mga micro cinema hindi na bago iyan. Wala pang nagbubukas niyan noon may ganyan na sa bahay mismo ni Kuya Germs. Talagang parang nasa sinehan ka mas maganda pa nga ang sound dahil, surround iyon at malinaw na malinaw ang pelikula. At libre lang ang manood doon dahil hindi naman naniningil si Kuya Germs. At kay Kuya Germs, hindi pirated ang mga pelikula nagbabayad siya ng license para mapanood iyon sa kanyang mini theater sa bahay. Kaya nga puwede lang iyong ipalabas for a certain period hindi naman gumagawa ng kopya si Kuya Germs. At may system ang videos na iyon na malalaman ng may-ari kung ilang beses mo nang napanood Hindi ka puwedeng lumampas sa limit.
.
Kaya kami hindi na na-excite sa mga micro cinema na iyan, hindi naman kami nanonood ng indie. Hindi kami nanonood ng sine ng libre lang. Nagbabayad kami. Kahit na nga noon ginawa kaming deputy ng MTRCB hindi namin ginamit ang ID para manood ng sine eh. Kahit na sabihing libre ang sine sa mga senior citizens hindi kami nanonood ng libre. Kasi ang pinanonood namin ay iyong gusto naming pelikula at gusto naming artista, at alam namin na ang mga pelikulang iyon kaya maganda ay pinagkagastahan ng mga producer.
Paano naman mababawi ng producers ang gastos nila sa pelikula kung manonood ka ng libre? Kung gusto mo ang pelikula, magbayad ka. Kung ayaw mo naman eh ‘di huwag at hindi ka naman nila mapipilit.
Ang huli naming pelikulang pinanood iyong When I Met You in Tokyo pa. Bago iyon ang pinanood namin sa sinehan ay iyong Voltes V. Kapwa puno ang sinehan nang manood kami ng mga pelikulang iyon. Huwag ninyong sabihing mahal ang sine, kung gusto ng tao iyan kahit na mahal manonood iyan.