HATAWAN
ni Ed de Leon
TINANONG ni Senador Jinggoy Estrada kung ano ang opinyon ng MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) sa mga mahahalay na panoorin na napapanood maski na ng mga bata kasi nga nasa internet streaming. Diretsong binanggit pa ng senador ang mga pelikula ng Vivamax.
Iyang Vivamax ay sinimulan ng Viva Entertainment group noong panahon ng pandemic at sarado ang mga sinehan. Maaaring tumigil na muna sila sa produksiyon ng pelikula kagaya ng ginawa ng karamihan. Pero ang naisip nila ay ang maraming mga manggagawang mawawalan ng trabaho. Tapos wala namang sinehan na maglalabas sa kanila kaya sinubukan nila ang internet streaming.
Kailangan nilang makaakit ng manonood sa bagong medium na pinasok nila at kailangang maliit lamang ang cost of production nila sa bawat pelikula, kaya ano nga ba ang gagawin nila kundi bold. Sa bold hindi kailangan ang sikat na artista, basta maghuhubad. Hindi kailangan ang magandang kuwento, hindi kailangan ang mga malalayong locations, o mga mamahaling costume at production design. Hindi rin kailangan ng mahuhusay na direktor. Bold nga lang eh.. Nagtagumpay naman sila at naitawid nila ang industriya at maraming mga manggagawa sa buong panahon ng pandemya.
Nang matapos ang pandemya unti-uinti na silang magbabalik sa produksiyon ng mga totoong pelikula, dahil bukas na ang mga sinehan. Pero pababayaan pa ba nila ang isang medium na pinagkakitaan din nila? At paano na ang milyong subcribers ng Vivamax na hahanapin din iyon kung titigil sila?
In the first place walang nilalabag na batas ang Vivamax. Kung sinasabi man nilang mahalay ang mga palabas nila, wala namang restrictions sa video streaming. Walang magagawa riyan ang MTRCB dahil hindi sakop ng mandato nila ang internet streaming. Noong gawin ang PD 1986 na siyang batas na lumikha sa MTRCB, wala pang internet streaming at hindi pa halos nagsisimula ang internet sa Pilipinas. Sino ba naman ang makaiisip na sa cell phone pala ay maaari nang makakonekta sa internet at maaari na ring manood ng mga palabas na iyan? Eh noong panhong iyon nga wala pang cellphone.
Katunayan nang magsimula namang maging normal ang lahat, nakipagkasundo ang Vivamax sa MTRCB na hindi sila maglalabas ng mga pelikulang X, ibig sabihin walang porno. Sila ay mananatiling R rated video streaming group.
Nabawasan naman ang kahalayan, wala na silang ipinakikita ngayong frontal nudity kagaya noong araw. Kaya nga inaangalan na rin sila ng ilang subscribers at nangangantiyaw na puro raw puwit na lang ang nakikita sa mga pelikula ng Vivamax. Pero kung sa tingin ng mga senador ay mahalay pa rin ang mga palabas, wala sa MTRCB o sa Vivamax ang problema. Dapat amyendahan nila ang PD 1986 para bigyan ng kapangyarihan ang MTRCB na magpatupad ng ratings sa Vivamax at iba pang internet streaming platforms. Kung wala silang gagawing pagbabago sa batas, walang mangyayari riyan. Hindi kasi saklaw ng anumang batas sa ngayon ang mga internet streaming platforms. Hindi rin maliwanag kung ilan ang kanilang actual subscribers, at dahil doon wala ring batayan kung paano sila sisingilin ng tax, hindi gaya sa sine na may tickets na siyang batayan ng tax na sinisingil ng gobyerno. Sa ibang mga bansa may mga sinehan pa ngang naglalabas talaga ng porno. Pero mas mataas ang kanilang tax dahil doon kinukuha ang ibinibigay namang subsidy sa mga gumagawa ng matinong pelikula. Kaya nailalagay sa ayos ang porno at makatutulong pa sila sa mga matitinong pelikula.
Hindi dapat na magsimula at matapos iyan sa tanungan. Kailangang amyendahan ang batas.