HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGSISIMULA na ngang gumulong ang isa pang proyekto tungkol kay Vilma Santos. Isang kinikilalang book publisher ang nakatakdang maglabas ngayon hindi lamang ng isa kundi tatlong libro tungkol sa Star for All Seasons. Hindi iyon mga mumurahing paper back na kagaya ng inilabas nila noong araw sa ibang artista, kundi mga tunay na libro, hard cover at perfect binding. Book publisher naman kasi talaga ang gagawa.
Ang isang libro raw ay tatalakay sa kanyang buhay at pagsisimula bilang isang aktres, iyong isa ay tungkol sa kanyang accomplishments bilang aktres na sinasabi ngang baka mai-revise agad kung mapili pa siya bilang National Artist sa 2026, iyong isa naman ay tatalakay sa kanyang ginawang public service sa loob ng 24 na taon, na posibleng kailanganin din ng mga pagbabago agad kung muli nga siyang maglilingkod na Batangas. Lalabas na open ended ang mga istorya, pero ganoon naman talaga ang libro lalo na nga’t kung buhay pa at aktibo pa ang subject. Eh sa kaso ni Ate Vi, mukha namang marami pa siyang gagawin sa buhay niya. Pero sinasabi nga nila na hindi dapat lumampas ang henerasyong ito at mailabas ang mga libro tungkol kay Ate Vi, at kung ano man ang mga dagdag, maaaring ilagay na lang iyon sa isa pang libro na gagawin in the future.
Actually sinasabi nilang hindi minamadali ang project na iyan, in fact delayed pa nga kasi noong una ay may alinlangan pa si Ate Vi kung papayag na ba siyang may librong ilalabas tungkol sa kanya, sa panahong ito na aktibo pa siya sa kanyang career bilang isang aktres at bilang isang politiko rin naman.
Hindi rin naman niya ikinakaila na may balak pa siyang maging direktor ng pelikula at maging producer din naman ulit. Kaya nga noong una hesitant siyang gawin na ang libro. Pero sinasabi nga ng mga publisher na sa panahong ito ay marami na ang naghahanap ng libro tungkol sa star for all seasons, dahil nga sa pagpapalabs ng kanyang mga pelikulang klasiko at pagdalo niya sa mga talk back na nakakaharap niya ang kasalukuyang henerasyon. Lalong lumakas ang kagustuhan nilang mailabas na ang libro nang magkaroon ng exhibit ng memorabilia ni ate Vi mula sa isang private collector na dinumog ng at naghahanap din sila ng mabibiling material doon tungkol kay Ate Vi. Kaso pribadong koleksiyon nga iyon ng may-ari at ayaw naman niyang mabawasan kung ano man ang naipon niya.
Nagkatuwaan nga sila noong panahon ng exhibit, dahil marami ang nag-place ng advance orders para sa libro, ganoong wala namang kinalaman ang mga exhibitor sa planong libro para kay Ate Vi. Tiyak namang bibilhin iyon ng mga fan at collectors dahil bukod sa kuwento maglalaman daw iyon ng mga exclusive photos ni Ate Vi na roon lang sa libro lalabas.
Tiyak libo ang halaga ng mga librong iyan, pero kahit na ano pa ang presyo niyan palalampasin ba naman iyan ng mga Vilmanian? Sa mga miyembro pa nga lang daw ng VSSI, sinabi ng presidente nilang si Jojo Lim na 2,000 na ang nag-place ng advance orders nila ng tatlong libro. Iyan ang talagang big time, hindi libro-librohan lang na akala mo pambalot ng tuyo at tinapa.