HATAWAN
ni Ed de Leon
MASAYANG-MASAYA na sila dahil sa loob ng isang linggo ay kumita raw ng P200-M ang pelikula nina Julia Barretto at Joshua Garcia. Napakalaki na nga niyan para sa isang pelikula ni Julia. Kahit na nga sa pelikula niyang nagpa-sexy at kahit itinambal pa kay Aga Muhlach sa hindi sila kumita ng ganyan kalaki.
Pero para kumita, matindi ring promotions ang ginawa nila, maya’t maya ay makikita mo silang may personal appearance sa mga mall. Nakita kasi nila ang epekto ng ganoong promo noong nakaraang festival. Basta nakita ng mga tao ng personal ang mga artista, iba ang dating ng pelikula sa kanila.
Noon wala silang problema sa promo, tadtarin lang nila ng trailer ng pelikula sa TV ayos na eh. Kaso ngayon wala nang prangkisa ang ABS-CBN, at para magawa nila iyon ay malaking gastos kung babayad sila ng advertisment. Iyong promo nila halos sa internet na nga lang para makaiwas sa gastos eh, wala na rin silang ads sa mga diyaryo, kagaya noong araw.
Wala na rin naman ngayon iyong mga fan magazine na dati ay nakatutulong din sa popularidad ng mga artista. Kaya talagang ngayon mahirap na ang marketing ng pelikula. Kung ang artista ay tatamad-tamad sa promo, kagaya ng ginawa ni Julia sa pelikula nila ni Aga na hindi sinipot ang mismong presscon ng pelikula, hindi talaga kikita.
Siguro naman nagtanda na siya dahil doon. Ngayon dahil sa ginawa nilang promo kumita naman ang kanilang pelikula. Aba siguro nga ay masasabing iyan na ang pinakamalaking hit na nagawa ni Julia, pero hindi ba iyang P200-M ay sinasabing first day gross lamang ng mga pelikula nina Kathryn Bernardo at Marian Rivera na sa loob ng isang linggo ay halos isang bilyon ang kinita?