HATAWAN
ni Ed de Leon
ANG tingin namin mukhang mali iyong ipinakita pang hindi na halos makalakad si Nora Aunor at itinutulak na lang sa isang wheelchair nang magtungo sa CineMalaya para sa screening ng restored version ng Bona.
Sa loob ng theater makikita ang maraming bakanteng upuan sa screening ng kanyang pelikula kaya hindi maipakita sa video ang audience area. (Apat na sinehan daw po ang pinaglabasan na puno lahat, ng Bona—Ed). Hindi man lang yata nagkaoon ng talk back pagkatapos ng pelikula, bagamat narooon si Nora na hirap na ring magsalita.
Parang kabaliktaran iyon ng punompunong Archivo Gallery sa Makati na ginanap ang isang exhibit lamang ng mga memorabilia ni Vilma Santos. Iyon ay dinaluhan din ng ilang kaibigang artista ni Ate Vi at nagkaroon ng isang mahabang talk back with the media. Kaya kinabukasan iyon ang laman ng mga diyaryo at maging ng social media.
Ewan kung bakit ipinakita pa nila ang tunay na kalagayan ni Nora na hindi na makalakad ng maayos at kailangang isakay sa isang wheel chair. Ewan din naman kung bakit sumisipot pa siya sa mga event nang hindi nakaayos. Kung inaakala nilang makukuha niya ang simpatya ng tao dahil mukhang kawawa naman siya sa ayos niya ay nagkakamali sila. Sa ginagawa nilang ganoon ay lalong nahahalatang wala na sa kondisyon si Nora at lumipas na ang kanyang panahon.
Kung ganoon ang makikita ng publiko at maging ng mga film producer lalong wala nang kukuha sa kanya dahil mahina na pala ang katawan niya, at napabayaan na rin ang pag-aayos niya ng sarili.