HATAWAN
ni Ed de Leon
ANO ba naman iyan MTRCB, bakit ang isang pelikula ay binigyan ninyo ng dalawang magkaibang classification? May isang rated R18, tiyak na iyon ang integral version at may mahahalay na eksena roon na para lamang sa mga adult. Pero para maipalabas din daw sa mga sinehan ng SM na ayaw maglabas ng for adults, nagbigay sila ng rating na R16 para sa isang sanitized version.
Dito sa Metro Manila puwedeng masunod iyan eh paano sa probinsiya? May magbabantay ba sa kanilang R18 na mga adult audience lang ang manonood at hindi makasisingit ang below 18? Maliwanag na iyan ay isang “accommodation “para ang producer ay makapaglabas sa SM na may mas mahigpit na panuntunan kaysa ibang theater chains. Pero hindi ba mas logical na kung gusto mong maglabas sa SM bawasan ninyo ang kahalayan, at kung gusto naman ninyong mahalay ‘di huwag kayong pumasok sa SM. Bakit kailangan ng MTRCB ang dalawang magkaibang ratings sa iisang pelikula?
Noong araw ay nagyayari na iyan, magpapakita sa MTRCB ng isang sanitized version para magkaroon ng mas magandang ratings pero dahil talagang intended na maging mahalay ang pelikula, ang mga mahahalay na eksena ay muling idinudugtong sa pelikula sa mga sinehan sa labas ng Metro Manila. Eh ‘di lalo na iyan na dalawang magkaibang ratings, maaaring sabihin nila na R16 ang ratings ganoong palabas na pala sa sinehan ay iyong R18 version.
Ewan pero hindi kami pabor diyan sa ginagawa ng MTRCB na ang isang pelikula ay bibigyan ng dalawang ratings para lang ma-accomodate sa mas maraming sinehan. Masyado iyang pabor sa mga producer ng pelikula, hindi proteksiyon iyan ng mga manonood.
Kung kami rin naman ang SM hindi rin namin ilalabas ang sanitized version kung kasabay niyon ilalabas sa ibang sinehan ang mas mahalay na kopya. Sigurado iyong mga mamboboso hindi na papasok sa SM.
Iyan ang problema kung ang mga nasa MTRCB ay mga tauhan din ng industriya at may mga bossing ding producer ng pelikula. Hindi pa talaga puwede sa PIlipinas ang self regulation.