Friday , November 22 2024
Vilma Santos

Ate Vi ayaw nang nangangarag sa paggawa ng pelikula

HATAWAN
ni Ed de Leon

“Ayoko na ng pressure. Hindi na ako puwede iyong kagaya noong araw na kailangang gawin mo ang isang pelikula dahil lang sa commitment mo. Hindi na ako iyong gagawa ng pelikula para may magawa lang. Ngayon kung gagawa ako ng isang pelikula kailangan naman iyong talagang gusto ko, iyong pelikulang hindi ko pagsisisihang ginawa ko. Iyong alam ko namang maipagmamalaki ko, at maipagmamalaki rin ng aking apo,” ani Vilma Santos pagkatapos ng kanyang ginawang talk sa DFA (Department of Foreign Affairs) noong isang araw, at natanong siya kung gagawa nga ba siya ng pelikula para sa Metro Manila Film Festival (MMFF).

Ang ginawang pelikula niya noong isang taon na nakasali sa MMFF ay kumita ng malaki at ngayon ay number one sa Netflix PH matapos ang unang araw ng pagpapalabas noon sa internet streaming. Sa record karamihan sa mga nanood na noon sa Netflix ay mula sa ibang bansa.

Gayunman limitado lang ang engagement niyon sa Netflix dahil nakatakda pa iyong ipalabas sa mga sinehan sa ibang bansa.

Dahil diyan at sa tagumpay ng kanyang naging advocacy na mapabalik ang mga tao sa mga sinehan, marami ang nag-aabang kung anong pelikula niya ang muling makakasali sa MMFF. Pero sabi nga ni Ate Vi, “ayoko na ng pressure.” 

Inamin ni Ate Vi na marami pa siyang kailangang harapin, isa na nga riyan ang kahilingan ng kanilang mga kababayan na bumalik siya sa paglilingkod sa publiko sa Batangas. Marami raw kasing natatanggap na benepisyo ang mga mamamayan, at maging ang mga empleado ng gobyerno noon siya ay nanunungkulan pa sa bayan. Pero inamin ni Ate Vi na ang dalawa niyang anak na lalaki ay mukhang nagkakaroon na rin ng interes na maglingkod sa bayan, at kung mangyayari iyon maaaring siya na lang ang maging mentor ng dalawa.

Mukhang enjoy pa si Ate Vi sa kanyang buhay. Noon nga naman halos wala siyang pahinga sa trabaho, tapos napahinga nga siya, may pandemic naman at wala rin siyang nagawa. Gayunman, inaamin niyang ang panahon ng pandemic ay nagbigay sa kanya ng karanasan na maging tunay na housewife sa kanyang asawa. Siya kasi ang nag-aasikaso ng pamamalengke, kung ano ang ilulutong pagkain, paglilinis ng bahay, at sabi nga niya alam niya kung kailan dapat bumili at magpalit ng mop, o bumili ng ibang mga kailangang gamit. Iyon din ang panahong sinamantala niya para buksan para sa sarili ang isang bagong mundo, ang social media. Iisipin ba ninyong sa panahong ito magagawa pang mag-blog ni Ate Vi.

“Pero kailangan nating mag-adjust sa panahon. Hindi maaaring ang panahon ang mag-adjust sa atin. Kung ano ang gusto ng publiko kailangang pag-aralan din natin. Noon iisipin ko bang makagagawa ako ng blog? Para kang gumawa ng pelikula na walang direktor, walang script. Iyon bang lahat ikaw ang mag-iisip at gagawa. It is a challenge lalo na ngayong 35 na ako. Pero kailangang sumunod sa panahon eh.

“Nagugulat nga ako halimbawa noong ipalabas sa UST iyong pelikula kong ‘Anak.’ Ang nanood ay mga high school at college students, na siguro maliliit pang bata noong ipalabas iyong ‘Anak.’ Pero nakatutuwang nagustuhan nila ang pelikula. Kamakailan habang nagbabakasyon kami sa US may biglang sumigaw at tumawag ng ‘Vilma Santos’ noong tingnan ko isang 18 years old na batang lalaki. Tapos lumapit pa sa akin at nakipag-selfie, tapos sabi, ‘my mom will be happy with this.’ Isipin mo iyong ganoon kabata, kilala pa rin ako, nasa abroad siya at noong mga oras na iyon naka-dark eye glasses nga ako.


“Natutuwa ako at nai-inspire sa ganoon. Isipin mo iyong mga bata hindi mo na ka-henerasyon, pero dahil sa mga magulang nila nakikilala pa rin nila ako. Masarap ang feeling na ganoon,” 
sabi pa ni ate Vi.

Nabanggit pa ni Ate Vi ang muling pagpirma ng kontrata ni Jessy Mendiola sa ABS-CBN para sa isang serye.

Maganda pa naman talaga si Jessy leading lady material pa talaga siya at mahusay din namang artista. Nakahihinayang kung hindi siya magpapatuloy. Kung sakali habang nagtatrabaho siya I will be happy kung iiwanan muna nila sa akin si Peanut. Masayang bata iyan at napakaganda rin. Maniwala kayo sa akin darating ang isang araw na magiging artista rin iyang si Peanut,” sabi pa ng lola.

Masaya naman si Ate Vi, na pinarangalan pa ng mga pinuno ng DFA matapos ang kanyang ibinigay na talk sa kanila.

About Ed de Leon

Check Also

John Arcenas IDOL The April Boy Regino Story

John humanga sa sobrang makapamilya ni April Boy

RATED Rni Rommel Gonzales UNANG lead role ni John Arcenas ang pagganap bilang yumaong music legend na …

Malou de Guzman Silay Francine Diaz

Malou de Guzman sa pagbibida: sinong aayaw doon

RATED Rni Rommel Gonzales SA tagal niya sa industriya, halos apat na dekada, sa wakas …

Kang Mak

Kang Mak a feel good horror-comedy

HARD TALKni Pilar Mateo NGAYON lang ako in a long time, natawa ng tawang-tawa. At …

Kathryn Bernardo Alden Richards Cathy Garcia Molina Sampana Hello Love Again

Hello, Love, Again patuloy na tumatabo,  world premiere sa US, Canada, Dubai kasado na

MA at PAni Rommel Placente PANIBAGONG history na naman ang naitala ng pelikulang Hello, Love, Again. …

Enrique Gil

Bagong serye ni Enrique sa Europe kukunan

MA at PAni Rommel Placente MAGIGING masaya ang mga faney ni Enrique Gil dahil sa wakas ay …