HATAWAN
ni Ed de Leon
NAPANOOD namin sa tv kung paanong napikon si Willie Revillame sa kapalpakan ng kanyang show. Kaya siya pa ang nagsabi na halata mong galit na “mag-meeting nga tayong lahat pagkatapos ng show.”
Inamin din niyang pagod na siya, “maawa naman kayo sa akin ako na lahat ang nag-iintindi sa show na ito, baka atakihin na ako sa inyo, “ sabi pa niya.Totoo naman ang sinasabi niya. Ang kanilang show ay live kaya hindi puwedeng ma-edit out kung may papalpak man gaya ng sa kalaban nilang taped program. Siya ang kailangang mag-isip ng concept na gagawin nila sa araw-araw kasi original ang show nila, hindi nagbabayad para magamit lamang ang idea ng mga dayuhang talagang nag-imbento ng isang original show. Bukod sa pagiging host, si Willie rin ang tumatayong producer ng show siya ang nag-iintindi kung ano ang kailangan pati ng paghahanap ng mga premyo para sa show hindi siya iyong game show host na papogi lang ang ginagawa at ang lahat ng sinasabi ay scripted pa at hindi kailangang mag-isip.
Hindi rin naman kagaya ni Willie na pilit nilang ginagamitan ng psywar gusto nila ay mawalan iyon ng gana sa pagsasabing mas mataas ang ratings ng kalaban niyang show. Totoo mas mataas nga ang ratings pero sinabi ba nila ang given factors? Gaano kalakas ang transmitting power nila kompara sa estasyon ni Willie? Gaano karami ag mga troll nila na pumupuri sa kanila at naninira kay Willie. Si Willie ba may ganoon? Ang inaasahan lang niya ay ang suporta ng mga tao na gustong manalo sa kanyang show o makalapit man lang sa kanya at makahingi ng tulong.
Sa totoo lang ngayon namin naa-appreciate ang pagsisikap ni Willie para maka-entertain ng mga tao. Noon hindi eh dahil masyado ring mataas ang lipad ni Willie. Bumaba lang ang kalooban ni Willie noong nakita niyang nag-iisa pala siya sa pakikiramay man lang sa mga nasawi. Talaga palang negosyo lang ang tingin sa programa niya.