ni Ed de Leon
SA totoo lang nakakaawang tingnan ang isang dating artista na kung sa bagay artista pa rin naman ngayon dahil lumalabas naman paminsan-minsan na naka-istambay sa isang upscale na coffee shop at naghihintay ng mga kaibigan niyang matrona na magkaka-interes sa kanya.
“Kung walang mga matrona kahit naman sa bakla sumasama rin iyan,” tsismis pa ng service crew sa coffee shop.
Hindi mo masisisi ang male star. Ganoon kasi ang nakasanayan niyang buhay. Nakilala kasi iyan ng isang bading na talent manager at isang bading na reporter sa isang inuman sa probinsiya noon. Dahil bagets pa at wala pang alam, nahikayat siyang sumama sa dalawang bading sa Maynila. Ipinasok siyang bartender sa isang bar na istambayan din ng mga bading. Doon din naman siya nakita ng isang bading na network executive na naging interesado sa kanya. Naging kulakadidang siya ng bading na network executive nang matagal na panahon, kapalit naman niyon ay pilit siyang pinasisikat ng network. Pero iyang pagsikat hindi napipilit iyan eh.
Nalampansan pa rin siya sa kasikatan ng iba kaya second stringer na lang siya. Pero dahil sa kulakadidang niyang network executive hindi naman siya nawawalan ng assignment. Hanggang sa dumating ang panahon na ang feeling niya masyado na siyang inaabuso ng bading. Umiiwas na siya dumalang naman ang kanyang assignment lalo na’t may naging bagong kulakadidang na ang bading na executive na nagtagumpay pa bilang action star. Ayun ang kanyang binagsakan naging paminsan-minsang artista siya at naging istambay sa mga up scale na lugar sa pagbabaka-sakaling may magka–interes na pumik-ap sa kanya.
Naaawa kami sa mga artistang ganyan ang kinakabagsakan. Hindi naman dapat ganyan ang nangyayari eh kung mayroon lamang tayong isang actors welfare pogram kagaya sa abroad. Sa America may isang bahagi ng income ng lahat ng mga pelikula na inilalaan nila sa actors’ welfare. Kaya napapangalagaan nila at natutulungan ang matatandang artista na kailangan ng tulong. Hindi gaya rito sa atin na may mababalitaan kang artista dati pero nakatira sa squatters o sa ilalim ng tulay.
May ganyan din mga artistang wala ng kita na nasasabit sa prostitusyon. Kagaya nga ng isang dating male bold star din, palibhasa’y natuto ring mag-drugs ngayon nagda-drive na lang daw sa isang car rental, at tapos iniaalok din ang kanyang “services” sa kanyang pasahero kung may interes pa sa kanya. Eh sino pa ba naman ang magkaka-interes sa kanya eh matanda na siya at mukhang gusgusin pa eh ang daming mga bagets na game rin sa car fun kagaya niyong isang male starlet na lumalabas sa mga gay series na sinuwerte namang nadampot ng isang gay politician kaya ngayon ay may bagong town house at may isa pang luxury car.
Ang kapalaran nga naman, sabi nga ni Rico J, “kapalaran kung hanapin ‘di matagpuan, at kung minsan lumalapit nang di mo alam. Bakit kaya may ligaya’t lumbay, sa pag-ibig may bigo’t tagumpay.”
Hay naku ang buhay nga naman.