Friday , November 15 2024

General lie

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

PINAKAWALAN sa Shangri-La Dialogue ng pinakamatataas na opisyal ng China ang karaniwan nilang argumento, at tadtad ito ng kasinungalingan. Simulan natin sa facts: Nakikipag-agawan ng teritoryo ang China sa India, Nepal, Bhutan, Japan, Malaysia, Vietnam, Brunei, at Filipinas — pawang mas maliliit na bansa.

Kasabay nito, binu-bully ng Beijing ang Taiwan, nagkasa ng mistulang nanghahamon na war games at pakunwaring missile attacks, malinaw na pinipikon ang Taiwan para magkaroon ng komprontasyon.

Ang tinatawag na historical legacy na nais ng China na buong pusong tanggapin ng Filipinas – ay listahan ng mga pangungubkob at panggigipit. Tingnan na lang natin ang Tibet. O kaya ang Bhutan. Inaangkin nga ng China maging ang malaking bahagi ng Arunachal Pradesh sa India, kasama ng mga inaagaw nitong maliliit na teritoryo na napakadaling bigla na lamang nagsusulputan sa mga mapa ng China.

Halata namang palabas lang ang mga naging pahayag ni Lieutenant General He Lei. Ang alegasyon niyang nilabag daw ng Filipinas ang international order sa South China Sea ay katawa-tawa gayong mismong ang China nga ang nambabalewala sa mga panuntunan. Ang international arbitral tribunal ruling ay isang legal at lehitimong proseso sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea, na ayon sa China ay sinusunod daw nila. Gayonman, binabalewala ng China ang desisyong ito, ipinagpapatuloy ang agresibong pagtatayo ng mga isla at pagpapairal ng militarisasyon sa inaangking lugar.

Sinabi ni He Lei na hindi raw kailanman nam-bully ang China ng mga bansang mas maliit kompara rito. Ang katotohanan? Ang mga ginagawa ng China sa South China Sea — tinatakot ang mga mangingisda, hinaharang ang access sa yamang dagat, at nagpapakalat ng naval forces — ay taliwas sa sinasabi nito. May karapatan ang Filipinas na punahin ang mga paglabag na ito at humikayat ng pandaigdigang suporta.

Kapalpakan ng PAOCC

Sa isang hindi kapani-paniwalang kapalpakan sa estratehiya at seguridad, diniskaril ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang isang napakahalagang pagsalakay sa pinakamalaking POGO compound sa Filipinas, nasa Porac, Pampanga, noong nakaraang linggo.

Hindi deretsahang lumabas sa bibig ni PAOCC Spokesperson Winston John R. Casio sa press briefing nitong Linggo, pero malinaw na sinabi niyang isang mataas na opisyal nila ang nag-leak ng raid nitong Hunyo 5.

Ayon sa kanya, ang plano ay i-rescue ang mahigit 1,000 dayuhan. Hindi lalampas sa 160 dayuhan lang ang nailigtas ng raiding team. Ang malaking posibilidad na may nagtimbre mula sa matataas na opisyal ng PAOCC ay nakapanlulumo, at nangako si Casio na tutukuyin sa kanilang imbestigasyon kung sino ang nagtraydor at ginarantiyang hindi ito patatawarin ng gobyerno.

         Pero para sa Firing Line, ang tunay na eskandalo ay ang mismong palpak nilang operasyon. Ibig kong sabihin, bakit hihiling ng warrant tapos magpapalipas muna ng tatlong araw bago umaksiyon? Ang delay na ito ay naghuhumiyaw na kawalang kakayahan kung hindi man drama-drama lang.

Inilabas ni Judge Maria Belinda C. Rama ang search warrant ng Hunyo 2, pero ikinasa lamang ang raid ng Hunyo 5. Sa tatlong araw na pagitan ay nagkaroon ng perpektong pagkakataon para maitimbre ang operasyon. Sa panahong sumalakay ang PAOCC, malayo na ang mga salarin, ang naiwan na lang ay ang mga bakas ng kanilang kalupitan — mga biktimang nakakadena at gutom na gutom, ang ilan ay dinukot mula mismo sa airport.

         Hindi lamang simpleng pagtukoy sa traydor na nagtimbre ang kailangan sa palpak na raid na ito; nangangailangan ito ng kumpletong pagbabago sa pagtupad sa tungkulin ng PAOCC o ng mga mismong opisyal.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …