HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI kami nagpupunta sa awards night kasi mahirap namang umuwi pagkatapos dahil gabi na at marami kang kasabay na naghahanap din ng taxi. Ang huli naming pag-attend sa isang awards night at masasabing unang dinaluhan matapos na madesmaya kami sa isang awards noong 1998 ay iyong The EDDYS noong nakaraang taon na ginanap sa Aliw Theater.
Una, sanay kami at kabisado ang lugar na iyon at mahirap mang makahanap ng sasakyan pagkatapos may maiistambayan at makapaghihintay. Pangalawa gusto rin naming makita kung ano nga ba ang kaibahan ng SPEEd. Maaga kaming dumating para sa kanilang awards night, at sa pinto pa lang sinalubong na kami ni Rohn Romulo at itinuro kung saan kami dapat na maupo.Pabalik-balik si Maricris Nicasio para masiguro na ang lahat ng mga bisita nila ay komportable. Tapos sila pa ang nagyayaya sa lahat na kumain dahil naghanda sila para sa lahat, at hindi sila naningil ng P5,000 per plate ha.
Lahat smooth ang dating ng production group nila noon dahil ang kompanya ni Tess Celestino na sanay na sanay na sa mga award, at ang kanilang talent coordinator ay si Mae Esguerra na very competent at sanay din sa malalaking produksiyon. May mga presenter ding last minute ay hindi makakarating pero agad na nakahanap si Mae ng mga kapalit na may name ha, hindi mga “da who” ang replacement kaya walang angal.
Si Eric Quizon din ang director nila last year kaya maayos na naisagawa ang show. Kung iisipin, mo si Eric ay isang major showbiz personality, pero pinangatawanan niya ang pagiging director ng show. Nakasuot siya ng ordinaryong work clothes. Hindi niya naisip na sumali sa isang production number o maging presenter man lang, sa kanya direktor siya at iyon ang dapat niyang pangatawanan.
Natatandaan namin ang isang pangyayari noon, nasa abroad si Aga Muhlach at hindi personal na matatanggap ang kanyang award bilang showbiz icon. Kahit na nasa abroad na-contact siya ni Mae at nagkasundo silang ang kanyang anak na si Andres ang tatanggap ng trophy. Excited din si Mae dahil kung sakali iyon ang unang public appearance ni Andres. Pero biglang hindi raw puwede si Andres at magpapadala na lang ng ibang representative. Hindi pumayag si Mae dahil nagkasundo na nga sila ni Aga. In the end, dumating din naman si Andres. Eh kung ang TC mo ay hotoy-hotoy na hindi kilala sa showbusiness, mailalaban ba niya ang usapan?
Kaya kami sa ngayon confident na hindi mangyayari sa The EDDYS ang nakita nating kapalpakan ng ibang awards. Kasi malayo pa ay inaayos na nila ang lahat ng mga detalye ng show, ng awards, ng mga dadalong bisita, at ang kailangang magpadala ng proxy. Kung ganyan ang paghahanda para sa isang awards, hindi magkakaroon ng bulilyaso.Iyon naman ang inaasahan ng lahat dahil puro mga professional ang mga miyembro ng SPEEd, na siyang nagkakaloob ng taunang The EDDYS.
Sigurado kami hindi rin sila kukuha ng mga amateur na hosts na walang ginawa kundi ipakilala ang kanilang sarili at ang kanilang website bago magsimula ng kahit na katiting na interview. Nangyayari lang naman iyon kung ang mismong hosts ay alam nilang “da Who” sila at posibleng may makakikilala na nga sila dahil nakuha sila sa awards na iyon. Eh kung palpak nga, nakilala rin sila dahil sa kapalpakan.