HATAWAN
ni Ed de Leon
KAYA pala nagmamadali si Vilma Santos noong magkaroon sila ng showing at talk back ng pelikulang Bata, Bata…Pa’no Ka Ginawa? sa Metropolitan Theater ay dahil nangako siyang sisipot sa general assembly ng Aktor na ginaganap din noong hapong iyon. Ang dami pang gustong magtanong kay Ate Vi after all, sa lahat yata ng talk back na pinuntahan niya iyon ang may pinaka-malaking audience dahil napakalaki naman ng venue talaga. Pero talagang nilimitahan na ang mga tanong dahil nangako nga siyang sisipot sa general assembly ng Aktor.
Iyon pala, kasama siya sa Board of Advisers ng samahan. Kasama niya sa board sina Charo Santos Concio, Tirso Cruz III, at Christopher de Leon. Iyan nga namang grupong iyan ay kinikilalang haligi ng industriya.
Ang pagtanggap nila ng katungkulan bilang advisers ng grupo ay nagpapakita lang na ang dating break away group ng KAPPT ang siyang nakakuha ngayon ng majority ng mga aktibo at sikat na artista. Iyong mga nasa board of advisers nila ay kinabibilangan ng mga decision makers sa industriya. At hindi naman sa pangmamaliit sa kaibigan din naming si Imelda Papin kung hindi kikilos ang KAPPT magmumukha silang “sisiw” dahil sa nakuhang mga miyembro ng Aktor at ngayon sinasabi nilang open sila sa pagtanggap ng mga bagong miyembro kaya lang ang gusto nila may screening iyong mga talaga namang aktibo pa sa industriya hindi iyong mga matatagal nang retired.
Kung titingnan mo ngayon ang line up ng Aktor at ng KAPPT kanino ka nga ba sasama kung artista ka?
Tiyak iyan iyong mga baguhan ng ABS-CBN kopo na iyan ng Actor. Iyong mga baguhan din ng GMA 7 kuha na rin iyan ng bagong guild. Ano kaya ang mangyayari sa KAPPT?
Pero dahil ang KAPPT pa rin ang officially recognized ng FAP, sa kanila pa rin mapupunta ang subsidy na makukuha sa MMFF, kung may makukuha nga ba? Eh noon pa iyon din ang angal ni Imelda, walang pondo ang guild dahil wala namang nakukuha iyon mula sa dapat ay share nila sa MMFF at iyong mga member naman ay hindi nagbabayad ng membership dues.
Natatandaan namin, noong panahong si Kuya Germs pa ang president ng KAPPT, lahat ng pondo ng samahan ay pumapasok sa banko. Hindi iyon nababawasan dahil ang gastos sa kanilang mga meeting at operational expenses kabilang na ang upa sa kanilang opisina noon sa Sampaguita Studios at ang suweldo ng mga empleado ng guild ay binabayaran ni Kuya Germs mula sa kanyang bulsa. Iyong kita noon ng guild pati na sa ginagawang Star Olympics ay hindi ginagalaw dahil ang balak ni Kuya Germs ang pondo ay ilaan sa actors’ welfare. Para sa mga matatandang artistang may sakit na at walang pagkunan, para sa mga artistang wala ng kabuhayan. Kasi masamang-masama sa loob niya noon na kung may isang artistang may sakit kailangang ipanghingi ng abuloy sa mga kapwa artista. May mga artistang namamatay na, ipinanghihingi rin ng abuloy para maipalibing.
“Hindi dapat inaabot iyan ng isang artista,” madalas na sabihin ni Kuya Germs.
Pero hindi kagaya sa Amerika o sa iba pang mga bansa na ang mga artista ay may union, at isang bahagi ng kinikita ng mga sinehan ay ibinibigay ng gobyerno para sa actors’ welfare, rito sa atin ay walang ganyan. Nababahaginan lamang ang actors’ guild ng kita ng MMFF na halos wala naman.
Kaso nang mawala na si Kuya Gems sa guild unti-unti na ring nagamit ang pondo noon hanggang sa maubos na nga. Walang nakukuhang suporta, wala ring nagbabayad ng membership dues. Babagsak nga.
Ngayon sa halip na palakasin ang kanilang guild ang naisip nina Dingdong Dantes ay magtayo nga ng panibagong grupo. Maliwanag naman kasing may bahid pa rin iyan ng politika. Si Imelda na presidente ng KAPPT ay kilalang loyalista. Si Dingdong naman ay tatak dilaw, dahil naging opisyal siya ng gobyernong Aquino noon at ninong pa niya sa kasal si dating Pangulong Noynoy Aquino.
Noon din namang nagsimula iyang Aktor ay tumalakay na rin sa ilang usaping political, at hindi naman problema ng mga artista. Pero tingnan natin ngayon siguro naman magagabayan sila ng mga adviser nilang kinuha.