Thursday , January 9 2025
nora aunor

Nora Aunor ‘di pwedeng pintasan noon; Kasikatan tuluyan na bang naglaho?

HATAWAN
ni Ed de Leon

NATATANDAAN namin taong 1969 nang magsimula kaming magsulat, matindi ang popularidad noon ni Nora Aunor. Noong panahong iyon, para bang si Nora lang ang “anak ni Diyos.” Wala pa si Quiboloy noon.

Hindi mo puwedeng pintasan si Nora, una, hindi rin iyon ilalabas ng editor mo dahil baka magalit ang fans at wala nang bumili ng babasahin ninyo. Ang mga pelikula ni Nora noon na tinatapos lang ng apat na araw at walang kuwenta kailangang pikit mata mong purihin. Walang makaka-kontra kay Nora. Kontrahin mo si Nora, lalabas ang diyaryo mo ng umaga, 10:00 a.m. lang on the air na si Nora sa radio program ni Inday Badiday at didikdikin ka na. At natural sino ang papanigan ng mga tao.

Noon, kung gusto mong siguradong tanggap ang isusulat mo, purihin mo si Nora at gustong-gusto iyon ng mga editor dahil pampadagdag sa sirkulasyon.

Ang birthday ni Nora noon, isang malaking event iyan talagang humahanap ang RPN 9 ng isang malaking venue kung saan iyon idaraos dahil magdadatingan ang kanyang fans mula sa probinsiya, hindi naman siya “best actress noon in five continents,” hanggang probinsiya pa lang siya. Mayroong tribute sa kanya sa show ni Kuya Germs, na kukumbidahin din ang lahat ng malalaking stars para magbigay ng tribute sa “superstar.”

Kulang pa iyon maglalagay pa sila ng tv monitors sa labas ng studio dahil may manonood na fans galing pa sa kung saang probinsiya masabi lang na nakarating sila sa birthday ni Nora. Kahit na hindi sila makalapit makita lang siyang kumakaway mula sa malayo, maligaya na sila.

Natandaan namin, minsan maski ang gate ng Sampaguita Pictures na bakal ay nagiba nang dambahin ng fans ni Nora na gustong makapasok sa gardens na ginaganap ang birthday niya.

Laging may isang pelikulang kailangang ipalabas kasabay ng birthday niya, “Isang birthday presentation na tiyak na isang malaking hit sa takilya.” Kasi nga kasabay ng birthday ni Nora at makikita ninyo sa lobby tambak ang mga bulaklak sa mga sinehan, hitsura ng burol ni Ninoy Aquino sa dami ng bulaklak.

Iyong mga nagkakagulong fans kung birthday niya, talo ang El Shaddai sa dami ng tao, talo ang prayer rally ni Pastor Almeda at kahit na ang prayer rally ni Quiboloy. Kung sinabi lang ni Nora noon na “siya ang anak ng Diyos,” aba marami ang maniniwala kaysa naniniwala ngayon kay Quiboloy.

Pero ano ang ibig sabihin at naglahong lahat iyan at ngayon ay lumipas na lang ang araw na iyon na parang walang nangyari?

Noong nabubuhay pa si Kuya Germs ang isa sa mga pangarap niya pagdating ng birthday ni Nora ay mag-produce ng isang concert sa Araneta Coliseum, na tinitiyak niyang mapupuno pa ng tao, at makababalik sa popularidad si Nora. Pero nang bumalik si Nora pagkatapos ng naging problema niya sa Amerika wala na siyang boses at hindi na makakakanta. Hindi pa rin nawalan ng pag-asa si Kuya Germs, may magagawa pang paraan. Pero wala na nga. May mga nagbigay pa ng pera kay Nora para makapagpagamot sa doctor ni Julie Andrews pero wala rin, ni hindi yata siya nakapagpatingin hanggang sa mamatay na ang doctor na iyon. Sumanib siya sa Dating Daan, at sinabi sa kanya ni Ka Eli Soriano na ipagagamot siya. Pinapupunta na siya sa US magpagamot na at kung ano mang gastos ay si Ka Eli na nga ang mananagot , pero hindi pumayag si Nora dahil gusto niya ibigay sa kanya ang perang pampagamot at siya na ang bahala. Hindi pumayag ang Dating Daan, umalis naman siya sa grupo.

Kung noon lagi siyang may pelikula kasabay ng birthday niya, ngayon may apat na pelikula siyang nakabinbin pero hindi maipalabas dahil ayaw nang tanggapin ng mga sinehan matapos na malugi sila sa mga nauna niyang pelikula.

Malungkot ang kuwento ng buhay ni Nora, sumikat siya ng todo at mula sa pagtitinda ng tubig sa tabi ng riles ng tren sa Bicol, naging isa nga siyang superstar, pero nawala rin lahat iyon.

May nagsasabing ang ikinapit sa kanyang salitang “Superstar” ang malas dahil ginamit niya ang salitang unang ginamit ng composer na si Andrew Lloyd Webber para sa Panginoong Hesukristo sa ginawa niyang musical na Jesus Christ Superstar. “Lahat ng mga umangkin sa pagkatao at pagka-Diyos ni Kristo, hindi maganda ang kalalabasan,” sabi ng isang kaibigan naming Theologian.

Mukhang tama dahil hindi ba iyong nagsasabi rin ngayong, “I am the appointed son of God, and I am the owner of the universe,” bumagsak din. Maraming kaso at nagtatago para huwag mahuli at makulong?

Pero ewan, hindi rin namin masabi kung saan nagkamali si Nora pero hindi na maikakaila na ang ilusyon nilang kasikatan niya ay ganap nang naglaho.

About Ed de Leon

Check Also

Sam SV Verzosa Quiapo Nazareno

Sam Versoza 16 taon nang namamanata sa Nazareno, miyembro ng Hijos del Nazareno

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio KONGRESISTA o simpleng tao, patuloy pa rin ang pamamanata sa …

Jimmy Bondoc

Jimmy Bondoc, sumabak na rin sa politika

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio MAHALAGANG taon at malaki ang magiging pagbabago ng 2025 sa singer, lawyer, …

MMFF 50

Kontrobersiya sa MMFF 

PUSH NA’YANni Ambet Nabus KAYA naman ‘yung mga traydor na hanggang ngayon ay naglilinis-linisan sa …

Vilma Santos Ed de Leon

Ate Vi dinalaw puntod ni Kuya Ed de Leon

PUSH NA’YANni Ambet Nabus NAG-IISA ka talaga ate Vi, ang ating minamahal na Star For …

Cristy Fermin Darryl Yap The Rapists of Pepsi Paloma

Cristy kinuwestiyon si direk Darryl Yap; respeto sa kapwa iginiit

KONTRA si Cristy Fermin sa pagsasapelikula ni Darryl Yap ng The Rapists of Pepsi Paloma. Ang dahilan, tila gusto raw …