HATAWAN
ni Ed de Leon
NAPANSIN naming kakaiba ang ngiti ng mga tao sa Metropolitan Theater noong isang araw nang dumating kami roon. Late kasi kaming dumating at ang inabot naming usapan nila, “Isipin mo si Vilma lang pala ang makakapuno ulit sa MET.”
Pagdating namin, sinabi nila sa amin na nasa loge section si Ate Vi, “pero hindi na namin kayo maisisiksik doon, ang dami ng tao. Sa orchestra section baka may mahanap pa tayong upuan,” sabi ng usher.
OK lang naman sa amin dahil hindi na namin kailangang umakyat pa ng hagdanan. Pagpasok namin puno na rin ang orchestra section, nakiusap na lang ang usher sa mga tao na umurong ng isang seat, para makaupo kami roon sa unang seat sa bukana.
Hindi namin akalain na ganoon karami ang taong manonood ng restored version ng Bata Bata Paano Ka Ginawa. Magugulat ka kasi pumapalakpak sila sa mga magagandang eksena na akala mo nanonood sila ng isang live presentation. Nang matapos ang pelikula, sabay-sabay na nagtayuan ang lahat at pumalakpak habang si Ate Vi naman ay lumalakad paakyat sa stage para sa talk back nilang dalawa ni direk Chito Rono. Maski si direk Chito nagulat sa audience na nang magbukas ang ilaw mapapansin mong karamihan ay mga kabataan na hindi pa siguro ipinanganganak nang ipalabas sa sinehan ang Bata Bata… Ang dami nilang tanong tungkol sa pelikula at sa character ni Lea Bustamante na ginampanan ni Ate Vi. At minsan pa narinig namin mula sa isang iginagalang na personalidad ng industriya at kinikilalang director ang salitang, “baka hindi ganyan ang kalabasan ng pelikulang iyan kung hindi si Vilma Santos ang artista.”
Matatawa ka rin sa kanila dahil nagsisimula na naman silang tawagin si Ate Vi ng “Gob”, na itinama naman agad ng aktres at sinabing “Ate Vi na lang.” Kasi mas nadarama niya ang pagmamahal ng kausap niya kung tinatawag siyang Ate Vi kaysa: ”gob,” “cong,” o kahit na “mayor” pa. Hindi mo masisisi ang mga tao eh kasi natatandaan nila kung gaano siya kagaling bilang gobernador, mayor, at congreswoman. Pinipilit na naman nga siyang tumakbo sa susunod na eleksiyon. May mga kaibigan nga kaming pari na nagsabing, “hindi na magkakapanya iyan, basta mag-file lang ng certificate of candidacy wala namang lalaban sa kanya rito sa Batangas.”
Iyon ang nakita naming kaibahan ni Ate Vi, nakare-relate sa kanya maging ang kasalukuyang henerasyon. Nananatili siyang relevant sa kanilang paningin, in short hindi siya nalaos.